Duterte, may huling habilin umano; nais mamatay sa sariling tahanan sa Davao
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-26 22:10:11
Setyembre 26, 2025 – Ibinunyag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na may iniwan umanong huling habilin si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan inihayag nito ang kagustuhan na sa sariling tahanan sa Davao City niya gugulin ang kanyang huling sandali.
Ayon kay Roque, malinaw ang mensaheng iniwan ng dating pangulo na nakahanda na umano itong harapin ang kaniyang kapalaran. Aniya, simple lamang ang habilin ng dating pinuno ng bansa—ang mamatay sa mismong silid ng kaniyang tahanan sa Davao kung sakaling dumating ang panahon.
Dagdag pa sa mga pahayag na lumabas sa midya, sinabi rin ni Elizabeth Zimmerman, dating asawa ni Duterte, na tinanggap na umano ng dating pangulo ang kaniyang sitwasyon at malinaw na may “acceptance” na ito.
Kasabay nito, nananatili pa ring sentro ng atensyon si Duterte dahil sa mga kasong kinahaharap niya sa International Criminal Court (ICC). Nasa kustodiya ng ICC ang dating pangulo mula pa nitong Marso 2025 upang sagutin ang tatlong bilang ng kasong pagpatay na kaugnay sa kontrobersyal na “war on drugs” ng kanyang administrasyon.
Bagaman walang inilabas na opisyal na dokumento o personal na pahayag mula kay Duterte hinggil sa umano’y huling habilin, nananatiling palaisipan ang mga isiniwalat ni Roque at Zimmerman. Gayunpaman, nagpapatuloy ang interes ng publiko sa estado ng kalusugan at personal na kahilingan ng dating pangulo habang humaharap siya sa mga kasong pandigma sa The Hague.