Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan, direktang binibili ang mga palay sa mga magsasaka sa mas mataas na halaga
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-26 23:23:16
KIDAPAWAN — Habang abala ang buong bansa sa isyu ng Great Flood Control Scandal, tahimik namang ipinapakita ng Pamahalaang Lungsod ng Kidapawan ang isang modelo ng mabuting pamamahala na direktang nakatutulong sa mga magsasaka.
Pinangunahan ng batang alkalde na si Mayor Joe Paolo Evangelista, katuwang ang Sangguniang Panlungsod, ang pagbili ng palay mula sa lokal na magsasaka sa halagang ₱19 kada kilo—na hindi bababa sa ₱7 na mas mataas kumpara sa karaniwang presyo ng pagbili sa ibang bayan.
Ang mga nabiling palay ay dinadala sa City Government-owned Rice Processing Facility upang gilingin. Ang nagawang bigas ay ibinibigay naman sa People’s Organizations (POs) at Non-Government Organizations (NGOs) sa halagang ₱25 kada kilo. Ang mga organisasyong ito ang siyang nagbebenta ng bigas sa mga barangay na may kaunting tubo, nang hindi pinapasan ang mabigat na presyo ng merkado.
Itinuturing ang proyektong ito bilang kongkretong halimbawa ng konsepto ng “Rice Republic”, na layong protektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa manipulasyon ng presyo ng malalaking kartel at importers.
Maraming mamamayan ang naniniwalang dapat itong tularan ng Pamahalaang Panlalawigan ng North Cotabato at iba pang mga bayan na pangunahing nagtatanim ng palay.
“Ito ang tunay na pamamahala—ang pagbibigay-pansin sa kapakanan ng mga magsasaka na matagal nang nasa disadvantage,” ayon sa mga tagasuporta ng programa.
Pinasalamatan ang lokal na pamahalaan, partikular sina Mayor Evangelista, Vice Mayor Junjun Lamata, at mga miyembro ng City Council, dahil sa inisyatibang ito na hindi lamang nakatutulong sa mga magsasaka kundi nagbibigay rin ng mas murang bigas sa mga residente ng Kidapawan. (Larawan: City Government of Kidapawan)