Diskurso PH
Translate the website into your language:

Baguio Mayor Magalong, nagbitiw bilang Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-26 23:12:11 Baguio Mayor Magalong, nagbitiw bilang Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure

Setyembre 26, 2025 – Nagbitiw si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ilang araw matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang legal team na repasuhin ang kanyang appointment upang maiwasan ang posibleng conflict of interest.


Sa isang pormal na resignation letter, sinabi ni Magalong na ang mga pahayag mula sa Malacañang ay sumalungat sa orihinal na kondisyon ng kanyang pagkakatalaga at nagdulot ng pagdududa sa tunay na kalayaan ng komisyon.


 “The Palace's pronouncements concerning my designation, which run contrary to the terms of my appointment, have undermined the role and mandate entrusted to me. Combined with circumstances that already cast doubt on the independence of the Independent Commission for Infrastructure, it has become clear that my continued service is no longer tenable,” pahayag ni Magalong.


Binigyang-diin din niya na nananatiling pangunahing tungkulin niya ang paglilingkod sa Baguio.


 “Let it also be stated that I have not neglected, nor will I ever neglect, my primary responsibility to the people of Baguio, whose welfare and interests remain at the core of my public service,” dagdag pa ng alkalde.


Ang pagbibitiw ni Magalong ay epektibo agad, ayon sa kanyang liham.


Itinalaga si Magalong sa ICI upang magbigay ng gabay at payo sa pagpapatupad ng mga mahahalagang proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan. Subalit nagkaroon ng agam-agam hinggil sa kanyang posisyon, dahil sa posibilidad ng conflict of interest bilang kasalukuyang lokal na opisyal.


Kamakailan, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat tiyakin ng kanyang legal team na walang magiging implikasyon ang appointment ni Magalong sa usapin ng pamamahala at integridad ng ICI, na layong maging independent body na magbabantay at magbibigay-rekomendasyon sa mga malalaking proyekto ng gobyerno.


Ang pagbibitiw ng alkalde ay nagbubukas muli ng diskusyon tungkol sa kung paano napipili at naitatakda ang mga opisyal sa mga independent commission, lalo na kung ito’y may malaking epekto sa pambansang proyekto.


Sa ngayon, wala pang inanunsyo ang Malacañang kung sino ang ipapalit kay Magalong bilang Special Adviser ng ICI.