Visa-free entry ng mga Pilipino sa Taiwan pinalawig hanggang Hulyo 2026
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-14 12:38:17
TAIPEI — Pinalawig ng Taiwan hanggang Hulyo 31, 2026 ang visa-free entry program para sa mga Pilipinong biyahero, ayon kay Taiwanese Minister of Foreign Affairs Lin Chia-lung sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na inorganisa ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei.
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Lin: “To continue to deepen bilateral ties between Taiwan and the Philippines, I announce that ‘Taiwan will extend the visa-free entry program for Filipino nationals for one year.’”
Ang kasalukuyang polisiya, na nagbibigay sa mga Pilipino ng 14-araw na pananatili sa Taiwan nang hindi kailangan ng visa, ay nakatakda sanang magtapos sa Hulyo 31, 2025. Sa ilalim ng pinalawig na programa, magpapatuloy ang maginhawang paglalakbay para sa mga turista, maliban sa mga may hawak ng diplomatic o official/service passports.
Umaasa si Lin na tutugon ang Pilipinas sa nasabing kabutihang loob: “We also hope that in the near future, Taiwanese people will be able to travel visa-free to the Philippines under the principle of reciprocity, so that they can start a go-and-go holiday as long as they simply pack their bags and bring.”
Binanggit din niya ang lumalakas na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa, kabilang ang pagdagsa ng mga Pilipinong turista sa Taiwan na umabot sa mahigit 415,000 noong 2024 at ang 160,000 Filipino migrant workers na kasalukuyang bahagi ng pwersa sa paggawa sa Taiwan.
“In recent years, Taiwan-Philippine relations have become more and more close,” dagdag pa ni Lin, sabay puri sa desisyon ng pamahalaan ng Pilipinas na paluwagin ang mga restriksyon sa opisyal na biyahe papuntang Taiwan—isang hakbang tungo sa mas malalim na ugnayan sa kalakalan, teknolohiya, at katatagan sa rehiyon.
