Binugbog na estudyante sa loob ng paaralan, viral video nagbunsod ng imbestigasyon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-07 09:56:56
ISABELA CITY, BASILAN — Nasa kustodiya na ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang dalawang Grade 9 na estudyante mula sa Basilan National High School matapos mag-viral online ang isang video na nagpapakita ng pananakit nila sa kapwa estudyante.
Sa video na kuha noong Hunyo 25, 2025, makikitang paulit-ulit na pinagsusuntok, siniko, at sinipa ng dalawang menor de edad ang isang 15-anyos na Grade 10 student sa loob mismo ng paaralan. Naiulat ang insidente sa Isabela City Police Station noong Hunyo 30, dahilan upang agad na kumilos ang mga awtoridad.
Ayon kay Police Major Shellamie Chang ng Police Regional Office 9, pinilit umano ng mga suspek ang biktima na gumawa ng isang bagay na labag sa kanyang kagustuhan. “Pinipilit siyang manigarilyo or something, basta may pinapagawa sa kaniya na ayaw niyang gawin,” pahayag ni Chang sa ulat ng 24 Oras Weekend ng GMA.
Kakasuhan ang dalawang estudyante sa ilalim ng Anti-Bullying Act, ngunit bilang mga menor de edad, dadaan sila sa proseso alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act bilang children in conflict with the law.
Ayon kay Principal Arnel Hajan, posibleng peer pressure o katuwaan ang nagtulak sa insidente. “Katuwaan, kursonadahan, trip? Parang ganoon,” aniya. Nakararanas ng hilo at pagsusuka ang biktima matapos ang insidente. Una siyang dinala sa lokal na ospital at inilipat sa Zamboanga City para sa mas masusing gamutan.
Pinalakas na ng Philippine National Police (PNP) ang presensya sa paligid ng paaralan at pinaandar na ang CCTV systems para maiwasan ang kahalintulad na pangyayari. Ayon kay PNP Chief Police General Nicolas Torre III, “The safety of our children will always be a priority for the Philippine National Police. We will never tolerate any form of abuse or violence, especially in schools—places that should be safe for every student.”
Wala pang opisyal na pahayag mula sa Department of Education (DepEd) kaugnay ng insidente. Patuloy pa rin ang imbestigasyon.
