Diskurso PH
Translate the website into your language:

Paano Mag-Apply ng Calamity Loan sa SSS at Pag-IBIG

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-24 07:58:23 Paano Mag-Apply ng Calamity Loan sa SSS at Pag-IBIG

Matapos ang malalakas na pag-ulan at matinding pagbaha dulot ng mga nagdaang bagyo gaya ng Tropical Depression Dante, maraming Pilipino sa mga apektadong lugar ang kumakatok sa Social Security System (SSS) at Pag-IBIG Fund para sa tulong pinansyal. May calamity loan ang dalawang ahensiya para sa mga miyembrong kwalipikadong makabangon mula sa epekto ng sakuna.

Kung ikaw ay naninirahan o nagtatrabaho sa lugar na idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity, maaari kang mag-apply. Narito ang gabay kung paano mag-file ng loan:

SSS Calamity Loan Assistance Program (CLAP)

Layunin ng SSS Calamity Loan na tulungan ang mga miyembrong apektado ng kalamidad sa mga lugar na opisyal na idineklarang sakuna. Puwedeng mag-apply online o sa pinakamalapit na SSS branch.

Sino ang Puwedeng Mag-Apply

  • Dapat ay nakatira sa lugar na nasa ilalim ng State of Calamity

  • Dapat may 36 hulog, at 6 dito ay sa huling 12 buwan

  • Wala pang 65 taong gulang sa oras ng aplikasyon

  • Walang aktibong CLAP o Loan Restructuring Program (LRP)

  • Hindi pa nakatanggap ng final benefits tulad ng retirement o total disability

Mga Detalye ng Loan

  • Halaga: Isang Monthly Salary Credit, hanggang ₱20,000

  • Interest: 10% kada taon

  • Bayaran: 24 buwan, magsisimula sa ikalawang buwan pagkatapos maaprubahan

  • Penalty: 1% kada buwan sa late na bayad

Paano Mag-Apply Online gamit ang My.SSS

  1. Mag-login sa My.SSS

  2. I-enroll ang bank account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM)

  3. I-click ang E-Services > Apply for Calamity Loan

  4. Sagutan ang form at pumili ng disbursement method

  5. I-review at i-submit ang application

  6. Hintayin ang SMS o email confirmation

Paano Mag-Apply sa Branch

Dalhin ang mga sumusunod sa pinakamalapit na SSS branch:

  • Calamity Loan Application Form na kumpleto

  • Isang valid government ID

  • Barangay certificate bilang patunay na nakatira sa calamity area

  • Authorization letter, kung may representative na magfa-file

Pag-IBIG Calamity Loan Program

Layunin ng calamity loan ng Pag-IBIG na magbigay ng tulong sa mga aktibong miyembro na nasalanta ng natural na sakuna. Maaaring mag-apply online o personal sa mga branch ng Pag-IBIG.

Sino ang Puwedeng Mag-Apply

  • Aktibong miyembro na may 24 buwang hulog

  • May isa man lang na hulog sa huling 6 buwan

  • Nakatira o nagtatrabaho sa lugar na nasa ilalim ng State of Calamity

  • Walang delinquent loan, o updated ang bayad sa kasalukuyang utang

Mga Detalye ng Loan

  • Halaga: Hanggang 80% ng Total Accumulated Value (TAV)

  • Interest: 5.95% kada taon

  • Bayaran: 36 buwan na may 3-buwang grace period

Paano Mag-Apply Online gamit ang Virtual Pag-IBIG

  1. Buksan ang Virtual Pag-IBIG portal

  2. Piliin ang Apply for Short-Term Loan > Calamity Loan

  3. I-type ang iyong Pag-IBIG MID number para sa verification

  4. Sagutan ang form at i-upload ang mga ito:

    • Valid government ID

    • Selfie na hawak ang ID

    • Calamity Loan Application Form

  5. I-submit at hintayin ang reference number at loan status update

Paano Mag-Apply sa Branch

Magpunta sa pinakamalapit na Pag-IBIG branch at dalhin ang:

  • Kumpletong Calamity Loan Application Form

  • Isang valid government ID

  • Proof of income (e.g., payslip o certificate of employment)

  • Pahayag na naapektuhan ka ng sakuna

  • Authorization letter, kung may representative o HR ang magfa-file

Mahalagang Paalala para sa Parehong Programa:

  • Mag-apply sa loob ng 90 araw mula sa State of Calamity declaration

  • Siguraduhing tama ang contact details at bank information bago mag-apply

  • I-monitor ang loan status sa iyong My.SSS o Virtual Pag-IBIG account

  • Ang loan proceeds ay idedeposito lamang sa iyong bank account, kaya siguraduhing tama ang impormasyon

Itinatag ang mga loan program na ito upang magbigay ng pinansyal na lunas sa mga miyembrong kailangang makabangon matapos ang sakuna. Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang opisyal na website ng SSS at Pag-IBIG Fund.