Diskurso PH
Translate the website into your language:

Higit 1,300 classrooms winasak ni Opong; DepEd naglatag ng temporary learning spaces

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-28 18:13:17 Higit 1,300 classrooms winasak ni Opong; DepEd naglatag ng temporary learning spaces

Setyembre 28, 2025 – Malawakang pinsala ang iniwan ng Bagyong Opong sa sektor ng edukasyon matapos masira ang higit 1,300 silid-aralan at makaapekto sa tinatayang 13 milyong mag-aaral sa buong bansa.


Batay sa pinakahuling datos ng Department of Education (DepEd) at Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), 891 silid-aralan ang nagtamo ng bahagyang pinsala, 255 ang iniulat na may matinding pagkasira, habang 254 naman ang tuluyang gumuho o hindi na mapapakinabangan.


Sa kabuuan, 24,553 pampublikong paaralan sa 13 rehiyon ang nakaranas ng epekto ng bagyo. Kasama rito ang pagkasira ng mga pasilidad, pagkaantala ng klase, at paggamit sa mga gusali ng paaralan bilang pansamantalang evacuation centers.


Ayon sa DepEd, umaabot sa 13 milyon estudyante mula sa iba’t ibang antas ang direktang naapektuhan ng pagkasuspinde ng klase at pagkawala ng mga silid-aralan. Hindi rin ligtas ang hanay ng mga guro at kawani ng DepEd, dahil tinatayang 574,237 education personnel ang naapektuhan ng kalamidad.


Dahil dito, naglatag ng panukala ang kagawaran para sa pagtatayo ng mga temporary learning spaces upang matiyak na magpapatuloy ang pag-aaral habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng mga napinsalang gusali.


Umabot sa 687 paaralan ang ginamit bilang evacuation centers para sa mga lumikas na residente. Pinakamataas ang naitala sa Bicol Region na may 589 paaralan, sinundan ng Calabarzon na may 71 paaralan.


Ipinahayag ng DepEd na habang mahalaga ang pagtugon sa pangangailangan ng mga evacuees, nakikita rin nila ang malaking hamon sa pagbabalik-eskwela dahil maraming paaralan ang pansamantalang hindi magagamit.


Ayon sa mga opisyal, kasalukuyan nang inihahanda ang mga ulat ng pinsala para maisumite sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa lokal na pamahalaan upang matukoy ang pondo at pasilidad na kailangang kumpunihin o itayo muli.


Dagdag pa rito, tiniyak ng DepEd na prayoridad ang pagbibigay ng psychosocial support para sa mga mag-aaral at guro na naapektuhan ng sakuna. “Hindi lang pisikal na paaralan ang nasira, kundi pati ang normal na daloy ng pag-aaral at kalagayan ng mga estudyante,” ayon sa isang opisyal mula sa DepEd-DRRMS.


Habang nagpapatuloy ang relief operations at rehabilitasyon, nanawagan ang DepEd sa publiko at pribadong sektor na makiisa sa pagbibigay ng tulong—mula sa school supplies, learning materials, hanggang sa pagpapatayo ng pansamantalang silid-aralan.


Samantala, nagpapatuloy pa rin ang assessment sa iba pang probinsya upang matukoy kung tataas pa ang bilang ng mga napinsalang paaralan at mag-aaral na naapektuhan.