Dalawang bagyo, isang delubyo: Emong at Dante nagbanta ng matinding ulan at pagbaha
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-24 12:47:15
MANILA, Philippines — Lalong lumakas ang bagyong Emong habang patuloy itong kumikilos sa kanlurang bahagi ng Luzon, dahilan upang itaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa pitong probinsya sa Luzon.
Ayon sa 5:00 p.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), si Emong ay namataan sa layong 150 kilometro kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte, taglay ang maximum sustained winds na 65 km/h at bugso ng hangin na hanggang 80 km/h. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 km/h.
Itinaas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
Ilocos Norte
Ilocos Sur
La Union
Hilaga at kanlurang bahagi ng Pangasinan (kabilang ang Dasol, Burgos, Agno, Bani, Bolinao, Alaminos City, Mabini, Anda, Labrador, Sual, Binmaley, Dagupan City, Lingayen, Bugallon, Infanta, Sison, Mangaldan, San Fabian, San Jacinto, Pozorrubio)
Apayao
Abra
Benguet
Ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, “Emong is forecast to reach severe tropical storm category before making landfall over Ilocos Sur, La Union, or Pangasinan on Thursday evening or early Friday morning.” Dagdag pa niya, “After traversing Northern Luzon, the center of Emong will re-emerge over the Luzon Strait and may pass close to Babuyan Islands.”
Bukod sa Emong, binabantayan din ng PAGASA ang bagyong Dante, na nasa layong 835 km silangan-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hangin na 65 km/h at bugso na 80 km/h. Bagama’t walang itinaas na signal para kay Dante, inaasahan nitong palalalain ang habagat, na nagdudulot ng malawakang pag-ulan sa Luzon at Visayas.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash floods at landslides, lalo na sa mga mabababang lugar at bulubunduking bahagi ng Northern Luzon. Itinaas din ang gale warning sa kanlurang baybayin ng rehiyon.
Samantala, suspendido ang klase at trabaho sa gobyerno sa Metro Manila at mahigit 35 probinsya ngayong Huwebes, Hulyo 24, bilang pag-iingat sa masamang panahon.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng bagyo, at inaasahang maglalabas pa ng mga updated advisory sa mga susunod na oras.
