Umano'y 'mambabarang,' sinunog ng buhay sa Bukidnon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-30 15:52:33
BUKIDNON — Isang 75-anyos na babae ang nasawi matapos brutal na pagmalupitan at sunugin ng isang kapitbahay na umano’y pinagbintangan siyang “mambabarang” o mangkukulam. Nangyari ang insidente noong Sabado, Hulyo 26, sa bayan ng Kibawe, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang suspek bilang isang 37-anyos na lalaki na umano’y naniniwalang “binarang” siya ng biktima. Ayon kay Police Major Jayvee Babaan ng Bukidnon Police Provincial Office, “So gipalo niya sa niyog yung dry na stalk. Eventually, nawalan ng malay, tuloy-tuloy na siya gisunog niya yung tao”.
Matapos mawalan ng malay ang biktima sa pambubugbog gamit ang tangkay ng puno ng niyog, tinambakan umano ito ng tuyong dahon at sinilaban sa mismong lugar ng krimen. Ilang bahagi na lamang ng katawan ng biktima ang natagpuan ng mga awtoridad.
Kusang sumuko ang suspek sa mga pulis at sinasabing posibleng may dinaranas na mental health issue. Ayon pa kay Babaan, “Base sa information na bag-o lang siya gihiwalayan sa asawa niya, depressed ito na tao. Upon checking sa record, former surrenderee siya, drug-user siya dati”.
Ang insidente ay muling nagbukas ng diskusyon sa mga pamahiin at paniniwala sa kulam at barang sa ilang komunidad sa bansa. Sa kabila ng modernisasyon, nananatili pa rin ang takot at stigma sa mga tinatawag na “mambabarang,” na kadalasang nauuwi sa karahasan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang nananawagan ang mga lokal na opisyal ng mas malawak na edukasyon at pang-unawa upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.