TDC Chairperson Benjo Basas, hinamon ang mga politiko na i-enroll ang kanilang mga anak sa mga pampublikong paaralan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-19 01:00:22
MANILA — Hinamon ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas ang mga politiko at matataas na opisyal ng gobyerno na ipag-aral ang kanilang mga anak sa mga pampublikong paaralan sa bansa upang masaksihan nila mismo ang tunay na kalagayan ng sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, Agosto 17, sinabi ni Basas na dapat magkaroon ng isang batas na mag-oobliga sa lahat ng halal na politiko at opisyal na ipasok sa public schools mula Kindergarten hanggang Grade 12 ang kanilang mga anak. Dagdag pa niya, kinakailangan ding dumalo ang mga opisyal sa mga pagpupulong ng Parent Teacher Association (PTA) upang personal nilang maranasan ang mga isyung kinakaharap ng karaniwang mga magulang at guro.
“We need a law requiring all elected politicians and other high-ranking officials to enroll their children in public schools from Kinder to Grade 12. At dapat dumalo sila sa PTA meeting,” ani Basas. Gayunpaman, aminado siyang malabo kung may mambabatas na magkakaroon ng tapang na maghain ng nasabing panukala.
Matatandaang kamakailan, naglabas din ng pahayag si Basas laban sa banat ni Senador Raffy Tulfo sa PTA na umano’y ginagamit ang mga pagpupulong para sa pangongolekta ng pondo. Nilinaw ni Basas na boluntaryo ang mga kontribusyon ng mga magulang at hindi ito ipinipilit ng mga guro. “Sa polisiya ng DepEd, kahit pa magkasundo ang mga magulang sa isang proyekto, mananatili itong boluntaryo,” giit niya.
Samantala, iginiit naman ng Alliance of Concerned Teachers–National Capital Region Union (ACT-NCR) na ang ugat ng problema ay hindi ang PTA, kundi ang kakulangan ng pondo mula sa gobyerno para sa sektor ng edukasyon. Dahil dito, napipilitan ang mga guro at magulang na maglabas ng sariling pera upang matustusan ang mga pangangailangan ng paaralan.
Sa hamon ni Basas, muling umigting ang panawagan para sa mas seryosong tugon ng gobyerno sa krisis sa edukasyon—isang isyu na araw-araw ay pasan ng mga guro, estudyante, at magulang sa pampublikong paaralan. (Larawan: Mabuhay News / Google)
