Magnitude 4.8 na lindol yumanig sa Batangas, ramdam hanggang Metro Manila
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-20 01:14:10
BATANGAS — Niyanig ng magnitude 4.8 na lindol ang bahagi ng Calaca, Batangas nitong August 20, 2025, alas-12:43 ng madaling-araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa Earthquake Information No. 1 ng ahensya, natukoy ang epicenter sa layong 2 kilometro hilaga, 19° silangan ng Calaca, Batangas at may lalim na 5 kilometro.
Mga Naitalang Intensidad:
Intensity III – Quezon City
Intensity II – Makati City
Instrumental Intensities:
Intensity IV – Sta. Teresita, Lemery, Cuenca (Batangas); Carmona (Cavite); Muntinlupa City; Guinayangan (Quezon)
Intensity III – Bauan, Batangas City, Nasugbu (Batangas)
Intensity II – Abucay (Bataan); Mataas na Kahoy (Batangas); Trece Martires, Naic, Ternate, Bacoor (Cavite); San Pedro City (Laguna)
Ayon sa Phivolcs, ang pagyanig ay tectonic ang pinagmulan, bunga ng paggalaw ng fault systems sa rehiyon. Bagama’t ramdam ang lindol sa ilang bahagi ng Metro Manila, Cavite, Laguna, at Quezon, hindi inaasahang magdudulot ito ng pinsala o aftershocks.
Nagpaalala ang Phivolcs na kahit katamtamang lindol ay dapat magbigay-babala sa publiko hinggil sa kahalagahan ng kahandaan. Inirerekomenda ng ahensya ang pagsunod sa mga safety measures tulad ng “Duck, Cover, and Hold” tuwing may lindol, pagtiyak na ligtas at matibay ang mga gusali, at paghahanda ng emergency go-bag.
Ang lalawigan ng Batangas ay kilala bilang isa sa mga lugar sa bansa na madalas makaranas ng pagyanig dahil sa presensya ng aktibong fault lines at kalapitan sa Taal Volcano. (Larawan: PHIVOLCS-DOST / Fb)