UV Express driver na umararo sa mga motorsiklo sa Commonwealth, positibo sa shabu; 1 rider patay, higit 7 pa sugatan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-19 11:56:13
OKTUBRE 19, 2025 — Positibo sa paggamit ng shabu ang UV Express driver na sangkot sa sunod-sunod na banggaan sa Commonwealth Avenue noong Biyernes, Oktubre 17, na ikinasawi ng isang delivery rider at ikinasugat ng hindi bababa sa pito pa.
Kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Linggo na lumabas sa isinagawang drug test na may methamphetamine hydrochloride sa katawan si Ruel Flores Dela Cerna, 54-anyos, driver ng UV Express na nang-araro ng 14 na motorsiklo at isang kotse sa tapat ng Commission on Human Rights sa Barangay UP Campus.
Ayon kay Police Col. Randy Glenn Silvio, “This case serves as a clear warning to those who drive under the influence of illegal drugs, you will be held fully accountable under the law.”
(Ito ay malinaw na babala sa mga nagmamaneho habang nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot — mananagot kayo sa batas.)
Dahil dito, sinampahan na si Dela Cerna ng mga kasong Murder, Frustrated Murder, Malicious Mischief, Abandonment of One’s Own Victim, at Resistance and Disobedience to a Person in Authority. Kakaharap din siya ng kaso sa ilalim ng Republic Act No. 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Batay sa imbestigasyon ng QCPD Traffic Enforcement Unit, tatlong beses umanong nagpaikot-ikot sa Commonwealth Avenue ang UV Express bago ito tuluyang huminto. Sa ikatlong ikot, doon na nasagasaan at nakaladkad ang 34-anyos na delivery rider na si John Villagracia, na agad binawian ng buhay.
“’Yong kapatid ko po ang binangga niya doon sa third set ng ikot niya kaya ‘yong kapatid ko po ‘yong nakaladkad … May gulong po ‘yong buong katawan niya po ... Tinanong po namin, ‘Bakit mo ginawa ‘yan?’ Wala pong pagsisisi,” ani Jade Villagracia, kapatid ng biktima.
Bukod kay Villagracia, kabilang sa mga nasugatan si Ricardo Alean Aganon, isang estudyante ng criminology na papunta sana sa kanyang midterm exam.
“Hindi naman normal sa tao ang mambangga ... Sa insidente kapag nakabangga ka ng isa, hihinto ka na. Intensyon niyang makabangga,” ani Aganon.
Sa kabila ng bigat ng insidente, humingi ng paumanhin si Dela Cerna habang nasa kustodiya ng QCPD Traffic Sector 5.
“Sa mga nagawa kong kasalanan, humihingi po ako ng sorry. Sorry po. Hindi ko na po alam ang naggawa ko, sir,” aniya.
Ayon naman sa kanyang asawa, umiinom umano si Dela Cerna ng gamot para sa altapresyon, hika, at Bell’s palsy.
Para sa road safety advocate na si Aries Soliman, “Dito may pananagutan ang operator kasi dapat mandatory chinecheck nila ang behavior at mental condition ng driver,” ani Soliman.
Dahil sa insidente, agad na ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez ang habambuhay na pagkansela ng lisensya ni Dela Cerna.
“Sisiguraduhin nating hinding-hindi na makakapagmaneho itong UV Express driver na ito ... Kami po sa DOTr ay nagpapa-abot ng aming taos-pusong pakikiramay sa isa po sa mga biktimang pumanaw na,” ani Lopez.
Sinuspinde rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng UV Express unit na sangkot sa insidente. Pinadalhan ng show-cause order ang operator nito para ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang prangkisa.
Ayon sa LTFRB, “The owner of this particular unit has a lot of explaining to do because of that incident.”
(May malaking kailangang ipaliwanag ang may-ari ng unit na ito kaugnay ng insidente.)
Sa ngayon, hawak pa rin ng mga awtoridad si Dela Cerna habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Patuloy ding tinutulungan ng mga kinauukulan ang mga biktima at kanilang mga pamilya.
(Larawan: Facebook)