Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babala ng China sa seguridad sa Pilipinas, kinontra ng DFA: walang sinisino sa batas, Tsino man ang salarin

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-01 08:41:32 Babala ng China sa seguridad sa Pilipinas, kinontra ng DFA: walang sinisino sa batas, Tsino man ang salarin

SETYEMBRE 1, 2025 — Mariing tinutulan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang travel advisory ng China na nagbabala sa mga mamamayan nito ukol sa umano’y lumalalang seguridad sa Pilipinas, partikular sa mga insidenteng may kinalaman sa mga Chinese nationals.

Ayon sa DFA, hindi tama ang paglalarawan ng China sa sitwasyon sa bansa. 

“Instances of crimes reported or known to law enforcement authorities, including those perpetrated by Chinese nationals against their compatriots, are being vigorously addressed by relevant law enforcement authorities,” pahayag ng ahensya. 

(Ang mga insidente ng krimen na naiulat o nalalaman ng mga awtoridad, kabilang ang mga kinasasangkutan ng mga Chinese laban sa kapwa nila Chinese, ay masigasig na tinutugunan ng mga kaukulang ahensya.)

Naglabas kasi ng babala ang Chinese Foreign Ministry sa mga Chinese na nasa Pilipinas na magdoble-ingat, umiwas sa mga delikadong lugar, at magsagawa ng masusing risk assessment bago bumiyahe. Kasunod ito ng advisory noong Hulyo mula sa Chinese Ministry of Education na nag-uudyok sa mga estudyanteng Tsino na huwag munang mag-aral sa Pilipinas.

Giit ng DFA, aktibo ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga kinauukulan para resolbahin ang mga kaso. Binanggit din ang 9th Philippines-China Joint Consular Consultation Meeting kung saan ang parehong panig ay nagpahayag ng kahandaang palalimin ang kooperasyon sa larangan ng law enforcement.

Patuloy ang pagtutok ng Pilipinas sa mga isyung may kinalaman sa kapakanan ng mga banyaga sa bansa.

(Larawan: Department of Foreign Affairs)