Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sarah Discaya, lantarang umamin na binili ang luxury car dahil sa payong

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-01 11:59:21 Sarah Discaya, lantarang umamin na binili ang luxury car dahil sa payong

MANILA — Umalingawngaw sa Senado ang naging sagot ni Sarah Discaya, misis ng negosyanteng si Curlee Discaya, matapos siyang tanungin ni Sen. Jinggoy Estrada ukol sa kanyang koleksiyon ng mga mamahaling sasakyan sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa pagtatanong ni Estrada, lumabas na umaabot sa 28 luxury cars ang pag-aari ng pamilya Discaya, kabilang na ang mga Rolls Royce, Lamborghini, Bentley, Maybach, Cadillac Escalade, Range Rover, at GMC. Ngunit ang pinakanag-viral na bahagi ng pagdinig ay ang tuwirang pag-amin ni Sarah kung bakit siya bumili ng isang Rolls Royce.

“Ang balita ko, dun sa interview mo, binili mo yung isang Rolls Royce dahil naganda ka sa payong. Tama ba?” tanong ni Estrada. 

“Yes po, sir,” tugon ni Discaya, na ikinagulat maging ng ilang senador at publiko.

Dagdag pa niya, ang mga sasakyan ay binili sa mga lokal na dealers gaya ng Freebell Enterprises at Auto Art, at hindi raw direkta galing sa abroad. “Sa dealer po… dito, sa Pilipinas. May dealer po ng Rolls Royce,” giit ni Sarah.

Sa pagpapatuloy ng interpelasyon, iginiit ni Estrada na sobra-sobra ang bilang ng mga kotse kumpara sa pangangailangan ng pamilya. “Ilan ang anak mo?” tanong ng senador.

“Four kids po,” sagot ni Sarah.

“Apat lang pala. Bigyan mo tig-iisa, pero 28 ang kotse? My God!” tugon ni Estrada.

Itinanggi rin ni Sarah na galing sa kaban ng bayan ang ipinambili ng kanilang mga sasakyan. “You bought that from the taxpayers’ money?” muling tanong ni Estrada.

“No po. Hindi po,” mariing sagot ni Sarah.

Ang eksenang ito ay umani ng matinding atensyon sa social media, lalo na’t maraming netizens ang bumatikos sa umano’y labis na karangyaan ng pamilya Discaya sa gitna ng isyung kinasasangkutan nila sa mga proyekto ng gobyerno. Ang pag-amin ni Sarah na isang payong lamang ang nagtulak sa kanya para bumili ng Rolls Royce ay lalo pang nagpaigting sa batikos.

Samantala, tiniyak ng mga senador na patuloy ang imbestigasyon hinggil sa yaman ng mga Discaya at sa kaugnayan nito sa mga kontratang pinapasok nila sa gobyerno.