Bangkay ng isang magsasaka, nadiskubre sa bangin sa Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-29 21:56:59
BURDEOS, QUEZON — Natagpuang wala nang buhay ang isang 53-anyos na magsasaka na kinilalang si alyas “Pepito” sa isang bangin sa Barangay Cabungalinan, Burdeos, Quezon nitong Martes, Oktubre 28. Ayon sa ulat ng Burdeos Municipal Police Station, nadiskubre ang katawan ng biktima bandang alas-1 ng hapon matapos mapansin ng ilang residente ang masangsang na amoy na nagmumula sa isang bahagi ng bangin.
Batay sa paunang imbestigasyon, huling nakita si Pepito noong umaga rin ng araw na iyon bago siya tuluyang mawala. Ibinahagi ng kanyang mga kaanak na nakararanas umano ang biktima ng pananakit ng tiyan at altapresyon bago ang insidente, dahilan upang ipalagay ng mga awtoridad na maaaring natural causes ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Wala namang nakitang palatandaan ng foul play sa lugar at sa katawan ng biktima. Gayunpaman, patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang makumpirma ang eksaktong sanhi ng pagkamatay. Nasa pangangalaga na ng kanyang pamilya ang mga labi ni Pepito para sa kaukulang burol at libing. (Larawan: Google)
