PAF helicopter, nag-landing sa isang ospital sa BGC. Netizens, nagulantang!
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-29 23:08:01
MANILA — Umani ng sari-saring espekulasyon online ang biglang pag-landing ng isang helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa rooftop ng St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig, nitong Miyerkules, Oktubre 29 ng hapon.
Ayon sa beteranong brodkaster na si Arnold “Igan” Clavio, bago pa man kumalat ang mga haka-haka sa social media, agad nang naglabas ng opisyal na pahayag ang PAF upang linawin ang sitwasyon. “O ‘wag na kayong man-intriga,” ani Clavio sa kanyang Facebook post, kalakip ang opisyal na paliwanag ng hukbong himpapawid.
Sa pahayag ng PAF, ang paglapag ng kanilang B-412 CUH helicopter ay bahagi lamang ng High-Rise Proficiency Training—isang regular na pagsasanay upang masiguro ang kahandaan ng kanilang mga piloto at tauhan sa mga urban emergency tulad ng aero-medical evacuation, high-rise rescue, at paghahatid ng mga responders.
Tiniyak ng PAF na isinagawa ang pagsasanay sa ilalim ng mahigpit na safety protocols. “Ang layunin ng mga drill na ito ay mapanatili ang mataas na antas ng kahandaan upang mas mapagsilbihan ang publiko sa oras ng anumang emerhensiya,” saad ng opisyal na pahayag ng PAF. (Larawan: Philippine Air Force / Facebook)
