Diskurso PH
Translate the website into your language:

Warrant of Arrest, inilabas ng Sandiganbayan laban kay Pagsanjan, Laguna Mayor Jeorge Ejercito Estregan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-29 23:21:10 Warrant of Arrest, inilabas ng Sandiganbayan laban kay Pagsanjan, Laguna Mayor Jeorge Ejercito Estregan

PAGSANJAN — Inatasan ng Sandiganbayan ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Pagsanjan, Laguna Mayor Jeorge Ejercito Estregan, matapos maging pinal ang hatol ng Korte Suprema sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019).

Batay sa resolusyon ng Sandiganbayan na may petsang Oktubre 20, 2025, nakasaad na: “Let the corresponding Warrant of Arrest be issued against them for service of their sentence.”

Ang desisyon ay kasunod ng pagtanggi ng Korte Suprema First Division noong Hunyo 30 sa mosyon ni Ejercito para sa muling pagdinig, dahilan upang maging pinal ang hatol laban sa kanya.

Ayon sa mga rekord ng Korte Suprema, napatunayang ipinagkaloob ni Ejercito ang kontrata sa insurance para sa mga turista at bangkero ng Pagsanjan sa First Rapid Care Ventures (FRCV) — isang kumpanyang walang Certificate of Authority mula sa Insurance Commission.

Hinahatulan si Ejercito ng hanggang walong (8) taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan. Makakasama niyang makukulong si Marilyn M. Bruel, may-ari ng FRCV, na nahatulan din ng parehong parusa. (Larawan: Gov. E.R Ejercito / Facebook)