Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lagayan sa customs: pangalan ng kasambahay, drayber ginagamit sa smuggling

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-02 13:09:55 Lagayan sa customs: pangalan ng kasambahay, drayber ginagamit sa smuggling

SETYEMBRE 2, 2025 — Isiniwalat ni Senador Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate agriculture panel na ginagamit ng mga agricultural smuggler ang pangalan ng mga drayber, tauhan sa bodega, at kasambahay bilang “dummy” para makakuha ng accreditation sa Bureau of Customs (BOC). Kapalit ng P100,000 na lagay, pumapayag umano ang ilang tauhan sa accreditation unit ng BOC na aprubahan ang mga pekeng aplikasyon ng broker.

“P100,000 ang binabayad para makalusot ang mga dummy broker. Ang ginagamit nilang pangalan, mga drayber, bodegero, o kasambahay,” ayon kay Tulfo. 

Bukod sa mga pekeng pangalan, may mga broker din na nagre-rehistro ng address na hindi kapani-paniwala — tulad ng sa ilalim ng puno ng acacia o random na lugar na walang opisina. Dahil dito, nakakalusot ang mga smuggled na produkto gaya ng sibuyas, karne, at isda na walang sapat na dokumento o inspeksyon.

Tiniyak ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na paiimbestigahan ang mga tauhan ng BOC na sangkot sa anomalya. 

“We will investigate and remove those involved,” aniya. 

(Iimbestigahan namin at aalisin ang mga sangkot.)

Ang accreditation unit ng BOC ang responsable sa pag-screen ng mga broker na humahawak sa importasyon at exportasyon ng mga produktong agrikultura. Sa kasalukuyan, hindi gaanong mahigpit ang proseso, kaya’t nagagamit ito ng mga sindikato.

Iminungkahi ni Tulfo na gawing personal ang aplikasyon ng broker, kung saan kailangang magsumite ng mga dokumento gaya ng business permit, financial capacity, at lisensiya. Giit niya, dapat hirapan ang proseso para makita kung lehitimo nga ba ang aplikante.

Ayon sa Department of Agriculture, mula Enero 2024 hanggang Hulyo 2025, nasa P3.78 bilyon na halaga ng smuggled agri products ang nakumpiska sa 182 operasyon. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang paglusot ng mga ilegal na produkto sa merkado.

Nanawagan ang mga mambabatas at ahensya na paigtingin ang koordinasyon ng BOC, DA, at FDA upang mapigilan ang patuloy na panloloko sa sistema ng importasyon.

(Larawan: Philippine News Agency)