Diskurso PH
Translate the website into your language:

Remulla mariing itinanggi ang kaugnayan ng rifle proposal sa pagkasibak ni Torre

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-02 09:31:08 Remulla mariing itinanggi ang kaugnayan ng rifle proposal sa pagkasibak ni Torre

MANILA — Mariing itinanggi ni Interior and Local Government Secretary Juanito “Jonvic” Remulla na may kaugnayan ang kontrobersyal na ₱8 bilyong rifle procurement proposal sa pagkakasibak ni dating Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III.

Sa isang press conference sa Camp Crame noong Agosto 26, ipinaliwanag ni Remulla na ang nasabing proposal ay isang “unsolicited request” mula sa isang mambabatas para sa pagbili ng 80,000 assault rifles para sa PNP. “There was a request that landed on my table asking for me to sign a congressional insertion of P8 billion worth of rifles for the use of the PNP. I immediately reply that the DILG, hindi kami pwede mag bid ng ganung klase ng bagay,” ani Remulla.

Dagdag pa niya, ipinasa niya ang dokumento kay Torre upang suriin ang pangangailangan nito sa operasyon. “Nag-usap kami at sabi niya, ‘Sir, we do not need the rifles. We are 95% compliant with the requirements of the PNP. At para bumili pa tayo, ay hindi na kailangan.’ I concurred with him. Nag-agree kami. So that was never part of the reason,” paliwanag ni Remulla.

Nilinaw din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi kailanman inutusan si Torre na pirmahan ang naturang request. “This claim is false,” ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya. “Since his assumption as SILG, Secretary Remulla has never facilitated nor endorsed any congressional budget insertion”.

Ang pagsibak kay Torre ay bunsod umano ng kanyang pagtanggi na sundin ang utos ng National Police Commission (Napolcom) na ibalik sa puwesto si Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. bilang second-in-command ng PNP. Sa halip, itinalaga ni Torre si Nartatez bilang commander ng Area Police Command sa Western Mindanao. Si Nartatez ang humalili kay Torre bilang hepe ng PNP.

Ayon kay Remulla, “the best course of action is to uphold the role of Napolcom as it was intended by law,” kaya’t inirekomenda niya ang pagpapalit ng liderato sa PNP. Iginiit din ng DILG ang kanilang paninindigan sa transparency at accountability sa lahat ng transaksyon ng ahensya.

Samantala, nananatiling tahimik si Torre sa isyu ng rifle deal, ngunit ilang ulat ang nagsasabing ang kanyang pagtanggi sa proposal ay patunay ng kanyang integridad bilang opisyal ng pulisya. Sa kabila ng kontrobersiya, patuloy ang operasyon ng PNP sa ilalim ng bagong pamunuan ni Nartatez.