Magkasintahan arestado! Nahuli sa kahalayan sa loob ng Children’s Park, Baguio
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-06 07:41:38
BAGUIO CITY — Arestado ang isang magkasintahan matapos mahuling gumagawa ng kahalayan sa loob ng Children's Park sa Burnham Park noong gabi ng Setyembre 2, ayon sa ulat ng Baguio City Police Office (BCPO) at GMA Regional TV.
Ang mga suspek ay isang 23-anyos na lalaking estudyante mula Urdaneta City, Pangasinan at isang 22-anyos na babae mula San Fernando City, La Union. Ayon sa ulat, unang napansin ng security guard ang dalawa na nagpapakita ng labis na paglalambingan sa bleachers malapit sa comfort room bandang alas-6 ng gabi. Nang bumalik ang guwardiya sa lugar, nadatnan na umano niya ang dalawa na aktong nagtatalik.
Agad na tumawag ng backup ang guwardiya at dinala ang magkasintahan sa Tourist Police Unit ng BCPO para sa imbestigasyon. Mahaharap sila sa kasong grave scandal.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na igalang ang mga pampublikong lugar, lalo na ang mga parke na dinarayo ng mga pamilya at bata. “Sana po respetuhin natin ang mga parks dahil siyempre these are intended for recreation or relaxation at ipinagbabawal ang mga paggawa ng illegal activities o anumang indecent or immoral activities,” pahayag ni Police Major Marcy Grace Marron, tagapagsalita ng BCPO.
Patuloy pang sinusubukan ng mga awtoridad na makuha ang panig ng magkasintahan habang isinasagawa ang kaukulang proseso ng batas.