Diskurso PH
Translate the website into your language:

Higit sa ₱1-milyong halaga ng ilegal na droga, baril, mga bala at timbangan; nasabat sa Lucban, Quezon

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-16 00:43:50 Higit sa ₱1-milyong halaga ng ilegal na droga, baril, mga bala at timbangan; nasabat sa Lucban, Quezon

LUCBAN, QUEZON Timbog ang isang 39-anyos na lalaki sa bisa ng search warrant na ikinasa ng mga awtoridad sa Barangay May-it, Lucban, Quezon nitong Sabado.

Sa operasyon ng Quezon Police Provincial Office at Lucban Municipal Police Station, nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 157 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na higit ₱1,000,000. Bukod dito, nakuha rin ang isang hindi lisensyadong baril, mga bala, at timbangan na pinaniniwalaang gamit sa pagtitimbang ng ilegal na droga.

Ayon kay Police Colonel Ledon Monte, provincial director ng Quezon Police, matagal nang minamanmanan ang aktibidad ng suspek na kabilang umano sa mga high-value target sa lalawigan. “Patunay ito na seryoso ang ating kampanya laban sa ilegal na droga at hindi natin palalagpasin ang mga sangkot,” aniya.

Samantala, nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek.

Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang masugpo ang pagkalat ng droga sa mga komunidad.

Ang matagumpay na operasyon ay isa na namang hakbang ng pamahalaan at kapulisan sa pagpapatibay ng kampanya kontra droga at sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mamamayan ng Quezon. (Larawan: QPPO / Fb)