Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Baka una pa akong makulong kaysa kay Romualdez at Zaldy Co’ — Pabirong pahayag ni Kiko Barzaga

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-16 00:52:59 ‘Baka una pa akong makulong kaysa kay Romualdez at Zaldy Co’ — Pabirong pahayag ni Kiko Barzaga

CAVITE — Nagbitiw ng pabirong pahayag si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga matapos siyang sampahan ng ethics complaint sa Kamara nitong Lunes, Setyembre 15.

Batay sa inihaing reklamo, nilabag umano ni Barzaga ang House Code of Conduct nang gamitin niya ang kanyang verified Facebook page upang tuligsain ang pamahalaan—isang hakbang na umano’y nakasira sa reputasyon at imahe ng institusyon.

Ngunit imbes na umatras, tinanggap ng kongresista ang reklamo nang may halong biro at pang-uuyam. “Baka una pa pala ako makulong kay Romualdez at Zaldy Co, nyahahaha,” ani Barzaga.

Giit pa niya, nakapagtataka umanong mas mabilis ang aksyon ng Kamara laban sa kanya kumpara sa mga mas mabibigat na alegasyon na kinasasangkutan nina House Speaker Martin Romualdez at Cong. Zaldy Co. Aniya, tila mas prayoridad pang disiplinahin ang mga kritiko kaysa tutukan ang mga akusasyon ng korapsyon at iregularidad sa loob mismo ng institusyon.

Samantala, wala pang opisyal na tugon mula kina Romualdez at Co hinggil sa pasaring ni Barzaga.

Ang ethics complaint laban kay Barzaga ay isasailalim sa pagdinig ng House Committee on Ethics and Privileges. (Larawan: Kiko Barzaga / Fb)