Diskurso PH
Translate the website into your language:

Good News! 5 estudyante mula Puerto Princesa, wagi sa Hongkong International Mathematical Olympiad 2025

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-16 01:56:01 Good News! 5 estudyante mula Puerto Princesa, wagi sa Hongkong International Mathematical Olympiad 2025

PUERTO PRINCESA CITY — Ipinagmamalaki ng buong lungsod ang limang mag-aaral mula sa Palawan National School na nag-uwi ng karangalan matapos magtagumpay sa Hong Kong International Mathematical Olympiad (HKIMO) 2025 Final Round, na ginanap noong Agosto 22–25 sa Hong Kong Science Park.

Nakipagtagisan ang mga estudyante sa mahigit 3,000 kalahok mula sa 19 na bansa, at matagumpay silang nakakuha ng iba’t ibang medalya at parangal.

Pinangunahan ni Gerome Benedict A. Macaraeg (Grade 10) ang delegasyon bilang Gold Medalist, ika-apat sa Overall Secondary 3 Category, at tumanggap pa ng Boole Prize for Logical Thinking at Euclid Prize for Geometry.

Hindi rin nagpahuli ang kanyang mga kasamahan:

  • Karl Ryan A. Llaneta (Grade 8) – Bronze, Secondary 1 Category

  • Ashantia Catrice S. Madarcos (Grade 9) – Bronze, Secondary 2 Category

  • Julian S. Marzo (Grade 9) – Merit Award, Secondary 2 Category

  • Maven Bhryle F. Tomesa (Grade 9) – Merit Award, Secondary 2 Category

Sa ginanap na flag-raising ceremony nitong Setyembre 15 sa New Green City Hall, personal na kinilala ang kanilang tagumpay. Ayon kay Mayor Lucilo R. Bayron, ang kanilang panalo ay hindi lamang karangalan para sa Puerto Princesa kundi para sa buong bansa:

“Hindi lang tayo pang turismo, pang-mathematics pa.”

Itinuturing na patunay ang kanilang panalo na kayang makipagsabayan ng mga kabataang Pilipino sa pandaigdigang akademikong larangan, at na ang Puerto Princesa ay hindi lamang kilala sa turismo kundi pati sa husay sa edukasyon at agham. (Larawan: City Information Department of Puerto Princesa / Fb)