Diskurso PH
Translate the website into your language:

Magkapatid, patay matapos matabunan ng lupa sa isang landslide sa Mauban, Quezon

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-16 00:35:15 Magkapatid, patay matapos matabunan ng lupa sa isang landslide sa Mauban, Quezon

MAUBAN, QUEZON Trahedya ang sinapit ng dalawang magkapatid sa Sitio Aluhing Maliit, Barangay San Lorenzo, Mauban, Quezon matapos silang matabunan ng gumuhong lupa sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Setyembre 14, 2025.

Ayon sa ulat ng pulisya, mabilis ang pagbagsak ng lupa mula sa kalapit na bundok na tumama sa mismong bahay ng mga biktima. Agad silang isinugod ng mga rumespondeng kapitbahay sa ospital ngunit idineklara silang dead on arrival ng mga doktor. Hindi na rin naisalba ang kanilang tirahan na tuluyang nasira sa pagbagsak ng putik at bato.

Kwento ni Audien Mark, isang residente ng lugar, hindi na bago ang mga insidente ng landslide sa kanilang barangay dahil napalilibutan ito ng kabundukan. “Madalas na po ‘yan dito kapag malakas ang ulan. Delikado talaga, lalo na sa mga nakatira malapit sa gilid ng bundok,” ani Mark.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang magsagawa ng clearing operation at tiyakin ang kaligtasan ng iba pang residente. Pinapayuhan ngayon ang mga nakatira malapit sa landslide-prone areas na lumikas pansamantala upang makaiwas sa kapahamakan.

Samantala, nakatakdang magbigay ng tulong pinansyal at psychosocial assistance ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga biktima. Ang insidente ay nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng kahandaan at maagap na paglilikas sa mga lugar na mataas ang banta ng landslide lalo na ngayong panahon ng malakas na pag-ulan. (Larawan: Boss Odgen-TV / Fb)