Ethics complaint laban kay Barzaga ihahain ng NUP
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-15 21:55:48
MANILA — Ihahain ng National Unity Party (NUP) sa House committee on ethics and privileges ang kaso laban kay Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga, matapos umanong lumabag ito sa pamantayan ng maayos na asal bilang mambabatas.
Ayon kay NUP chairperson at House Deputy Speaker Ronaldo Puno, apat na posibleng paglabag ang nakikita ng partido sa naging asal ni Barzaga: hindi pag-akto nang kapuri-puri para sa Mababang Kapulungan, paglabag sa batas at mabuting kaugalian, pagsasagawa ng kilos na maaaring mag-udyok ng sedisyon, at pagganap ng asal na nakakasama sa interes ng serbisyo publiko.
“We are going to make a motion, our party, to bring this whole issue to the ethics committee kasi there are a number of things that we feel need to be clarified in terms of proper behavior dito sa Congress,” pahayag ni Puno nitong Lunes.
Nilinaw din ni Puno na hindi nila pinapansin ang mga kritisismo ni Barzaga laban sa gobyerno, kundi ang umano’y maling implikasyon at pahayag nito na tila minamaliit ang mga isyu sa pamahalaan.
Kamakailan ay kumalas si Barzaga sa NUP at sa majority bloc ng Kamara matapos akusahan na nangangalap ng pirma para patalsikin si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, bagay na kanyang itinanggi.
Kasunod nito, inihayag ni Barzaga na may personal siyang kaalaman hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects na iniuugnay kay Romualdez. Nanawagan din siya na imbestigahan ang Speaker kaugnay ng usapin.
Matapos kumalas sa partido, sunod-sunod na rin ang naging batikos ni Barzaga laban sa ilang kasapi ng Kamara, mga opisyal ng gabinete, Senate President Vicente Sotto III, at maging kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.