Waiver para buksan ang kanilang bank accounts, handa umanong pirmahan ni Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-16 01:49:12.jpg)
MANILA — Ipinahayag nina Senator Jinggoy Estrada at Senator Joel Villanueva na bukas sila sa anumang imbestigasyon at handang lumagda sa isang waiver upang mabuksan ang kanilang bank accounts.
Ginawa nila ang pahayag matapos masangkot ang kanilang pangalan sa umano’y anomalya sa flood control projects, na naungkat sa pagdinig ng Kamara noong nakaraang linggo.
Sa plenary session, mariing sinabi ni Estrada:
“Ako, I’m open to any investigation. In fact, I am willing to sign any waiver to open my bank accounts.”
Samantala, sa isang panayam ay tiniyak din ni Villanueva na wala siyang dapat ikabahala:
“Definitely, ever since, I’m open.”
Matatandaang parehong pinangalanan ng dating Assistant District Engineer na si Brice Hernandez ang dalawang senador bilang umano’y sangkot sa anomalya. Dahil dito, nanawagan ang ilang mambabatas at sektor na dapat maging mas masusi ang imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng pagkakasangkot ng mga opisyal.
Giit nina Estrada at Villanueva, ang kanilang kahandaang buksan ang bank accounts ay patunay ng kanilang transparency at pagiging malinis sa usapin ng korapsyon.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nasabing flood control projects na sinasabing umabot sa bilyong piso ang pondong nakalaan. (Larawan: Jinggoy Estrada, Joel Villanueva / Fb)