Payo ni Bato sa mga Discaya: 'Gamitin nyo yung sasakyan nyong bullet proof'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-08 12:14:53
MANILA — Humingi ng witness protection ang mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya II at Sarah Discaya matapos ilahad ang serye ng mga pasabog sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Rep. Rodante Marcoleta, nakipag-ugnayan na siya sa Department of Justice (DOJ) matapos matanggap ang sinumpaang salaysay ng mag-asawa. Ipinahayag ni DOJ Secretary Boying Remulla na maaari silang mabigyan ng provisional immunity kung mapapatunayang hindi sila “most guilty” sa isyu.
“Pakisabi mo kanila na huwag silang mabahala. Nakahanda ang DOJ kung saka-sakaling sila ay mapatunayang hindi naman most guilty. Kung sila ang pinaka-guilty, hindi sila qualified, pero kung hindi, may proteksyon sila,” pahayag ni Remulla ayon kay Marcoleta.
Dagdag ni Marcoleta, ang hakbang na ito ay bahagi ng paghahanda para sa posibleng paglalagay sa Discaya couple sa ilalim ng State Witness Protection Program.
“Gamitin N’yo ang Bulletproof Car” — Sen. Bato
Habang nagpapatuloy ang pagdinig, nagpahayag naman ng matinding pag-aalala si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa seguridad ng mag-asawa. Pinayuhan niya ang Discayas na gumamit muna ng kanilang bulletproof luxury car bilang pansariling proteksyon.
“Kung mayroon mang bulletproof yung magaganda ninyong sasakyan, gamitin ninyo. Pagbabaan ninyo ngayon dito, gamitin ninyo. Concerned ako sa inyong security dahil mabibigat ang mga pinagsasabi ninyo dito,” ani dela Rosa.
Dagdag pa ni Sen. Bato, posibleng samantalahin ng ilang grupo ang sitwasyon, kabilang ang mga left-leaning organizations at NPA, para manggulo at isisi ang insidente sa mga kongresista na binanggit sa imbestigasyon.
Romualdez at Zaldy Co, Muling Nadawit
Sa pagdinig, muling lumutang ang pangalan nina House Speaker Martin Romualdez at Cong. Zaldy “Saldy” Co. Ayon kay Discaya, sinabi umano ng ilang kongresista na ang hinihinging 25% hanggang 30% SOP mula sa mga kontratista ay “hindi lang para sa kanila” kundi para rin kay Speaker Romualdez at kay Saldy Co.
Nang tanungin kung alam niya kung ilang porsyento ang napupunta sa dalawa, sinabi ni Discaya:
“Wala po. Wala po. Ang narinig ko lang po ay para lang kay Saldico at kay Speaker.”
Mas Humihigpit ang Seguridad
Dahil sa bigat ng mga isiniwalat na impormasyon at dami ng mga pangalang nadadamay, inaasahang magiging masinsinan ang mga susunod na pagdinig. Pinag-aaralan ngayon ng Senado at ng DOJ ang kahilingan ng Discaya couple na maisailalim sa Witness Protection Program habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa DPWH flood control projects.