Tiangco: may 'parking' scheme sa 2025 budget! Ilang distrito, ginamit ng mga kongresista na taguan ng pondo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-08 12:41:36
SETYEMBRE 8, 2025 — Ibinunyag ni Rep. Toby Tiangco ng Navotas na ilang mambabatas sa Kamara ang pansamantalang naglipat ng kanilang budget insertions sa ibang distrito sa ilalim ng panukalang 2025 national budget. Ginawa umano ito upang mapalaki ang alokasyon ng pondo sa ilang proyekto.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Tiangco na may dalawang istilo ng paglalagay ng pondo: “parking” at “sagasa.”
“Dalawang term po yan kung matatandaan ninyo — parking at sagasa,” aniya.
“Yung parking, nakiusap ka sa district congressman, pumayag ang district congressman. Yung sagasa, wala kang magagawa sa ayaw mo at gusto,” dagdag pa niya.
Ipinakita rin ni Tiangco ang umano’y P13.8 bilyong halaga ng insertions sa budget, kung saan tinukoy niya si dating House Appropriations Committee chair Zaldy Co bilang pangunahing tagapagtaguyod.
“Ang sabi ng ilang congressmen, hindi kanila yan … Kapag magkaiba ang proponent at distrito, magtataka kayo kung bakit,” giit ni Tiangco.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado ang mga flood control project na posibleng sangkot sa anomalya.
(Larawan: Philippine Information Agency)