Congressman Arrogancia, hindi pa mambabatas nang isagawa ang flood control project sa Catanauan, Quezon?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-09 22:50:46
QUEZON — Lumalabas sa mga datos na ang flood control project sa bayan ng Catanauan ay sinimulan noong Pebrero 21, 2022—panahong hindi pa nanunungkulan bilang kongresista ng ikatlong Distrito ng Quezon si Congressman Reynan Arrogancia.
Dahil dito, maraming nagtataka kung bakit naisama ang pangalan ni Arrogancia sa mga alegasyon kaugnay ng flood control projects na ikinakabit sa mag-asawang Discaya.
Ayon sa mga tagasuporta ng kongresista, malinaw na wala pang mandato si Arrogancia noong itinayo ang nasabing proyekto. Kaya naman malaking katanungan kung sino ang nasa likod ng paglalagay ng kanyang pangalan sa listahan ng mga umano’y kuwestiyonableng proyekto.
“Walang pruweba. Isa itong kasinungalingan at malinaw na pamumulitika laban kay Cong. Arrogancia,” giit ng ilan sa kanyang mga kaalyado.
Bukod dito, nananatiling palaisipan kung sino ang tunay na dapat managot sa mga iregularidad na iniuugnay sa flood control project, at kung bakit tila pinipilit na idawit ang kasalukuyang kongresista sa usapin.
Hanggang ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa mga sangkot sa proyekto kung bakit isinama ang pangalan ni Arrogancia sa usapin, gayong hindi pa siya nakaupo sa pwesto noong itinayo ang naturang flood control project. (Larawan: Reynan Arrogancia / Fb)