Babala: Estudyante, patay dahil sa labis na pagpupuyat
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-10 19:33:39
MARIKINA CITY — Trahedya ang sinapit ng isang 17-anyos na estudyante matapos bawian ng buhay dahil sa severe immune system failure na umano’y dulot ng matinding kakulangan sa tulog at labis na pagpupuyat.
Batay sa ulat, ilang linggo nang puyat ang naturang estudyante dahil sa tambak na school requirements, madalas na pagpigil ng gutom, at pagsisingit pa ng paglalaro ng Mobile Legends tuwing gabi. Ayon sa pamilya, ramdam na raw ng biktima ang matinding pagod at pananakit ng katawan ngunit patuloy pa rin nitong binalewala ang kondisyon hanggang sa tuluyan nang bumigay ang kanyang katawan.
Sa pahayag ng ina ng biktima, hindi niya akalaing ang simpleng pagpupuyat at sobrang paglalaro ang magiging sanhi ng biglaang pagkawala ng kanyang anak. “Sana maging aral ito sa lahat ng magulang at estudyante na huwag balewalain ang kalusugan,” emosyonal na pahayag ng ina.
Samantala, binigyang-diin ng mga eksperto ang kahalagahan ng sapat na tulog, tamang oras ng pagkain, at paglimita sa sobrang oras ng paggamit ng gadgets at online games.
Ayon kay Dr. Miguel Fredencio, ang tuloy-tuloy na kulang sa tulog ay maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon hindi lamang sa immune system kundi pati sa iba pang vital organs. “Huwag hayaang maapektuhan ang kalusugan ng sobrang puyat at stress,” dagdag ng doktor.
Pinapaalalahanan ngayon ang mga estudyante at magulang na unahin ang kalusugan kaysa sa anumang gawain, dahil ang kakulangan sa pahinga ay maaaring humantong sa trahedyang hindi inaasahan. (Larawan: Google)