Discayas hindi puwedeng maging state witness – Ridon
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-10 13:10:29
MANILA — Hindi maaaring maging state witness ang mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” Discaya ng St. Gerrard Construction at Cezarah “Sarah” Discaya ng Alpha and Omega Construction, ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, chair ng House infrastructure committee.
Sa ikalawang pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y maanomalyang flood control projects na umabot sa P30 bilyon mula 2022 hanggang 2025, sinabi ni Ridon na malinaw na hindi pasok ang mag-asawa sa mga rekisito ng Republic Act No. 6981 o ang Witness Protection, Security and Benefit Act.
Ayon kay Ridon, bagama’t nagbigay ng testimonya ang Discayas sa Senado tungkol sa mga umano’y kickback na kinukuha ng ilang kongresista at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), hindi ito nangangahulugang wala silang pananagutan.
“Hindi mangyayari ang mga pay-off na iyan kung hindi sila mismo bahagi ng sistema. May tatlong sangkot dito: kontratista, mga opisyal ng DPWH na nag-aayos ng proyekto, at ang mga kongresista. Malinaw na hindi sila ang least guilty,” giit ni Ridon.
Sa Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 8, binunyag ng mag-asawa na ilang mambabatas at DPWH officials umano ang humihingi ng hindi bababa sa 10% hanggang 25% ng halaga ng kontrata bilang “proteksiyon” para hindi maantala ang implementasyon ng proyekto.
Sa House hearing, si Curlee Discaya ang humarap bilang kinatawan ng siyam na kumpanya ng pamilya Discaya na nakakuha ng bilyon-bilyong kontrata. Aniya, hinikayat siya ng kanyang asawa na magsalita dahil nais umano nitong “kapayapaan” at hindi upang iwasan ang kaso.
Ngunit kalaunan ay inamin din niyang nais nilang mapasama sa witness protection program dahil sa banta sa kanilang buhay. “Araw-araw may mga nagpoprotesta sa harap ng bahay namin. Natatakot kami para sa aming pamilya,” pahayag ni Curlee.
Maging si Pasig City Mayor Vico Sotto ay nagpahayag ng pangamba na posibleng ginagamit ng Discayas ang kanilang testimonya upang makalusot sa kaso. “Klaro naman na ang anggulo nila ay maging state witness para makaiwas sa pananagutan,” ani Sotto sa isang panayam.
Sa deliberasyon, tinanong ni Manila Rep. Bienvenido Abante si Curlee kung nais ba nitong maging state witness upang takasan ang kasong plunder na maaari nilang kaharapin kasama ang ilang opisyal. Tumango at sumang-ayon dito si Discaya.
Ayon sa batas, para ma-discharge bilang state witness, kinakailangang may matibay na pangangailangan sa kanyang testimonya, may sapat na ebidensya para suportahan ang kanyang pahayag, wala siyang naunang conviction sa mga kasong may moral turpitude, at higit sa lahat,siya ang “least guilty” sa mga sangkot.
Para kay Ridon at sa ilang miyembro ng komite, hindi ito natutugunan ng Discayas dahil malinaw na nakinabang at naging bahagi sila ng mismong sistemang kanilang ibinunyag.