Sarah Discaya, posibleng dual citizen; dalawang entry natagpuan sa Birth Registry ng UK
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-10 07:36:36
Maynila, Pilipinas — Lumabas ang bagong impormasyon hinggil sa background ni Sarah Discaya, asawa ni Curlee Discaya na kasalukuyang iniimbestigahan sa malakihang anomalya sa mga proyekto sa flood control.
Batay sa England & Wales Civil Registration Birth Index (1916–2017), lumilitaw na may dalawang entry si Discaya sa talaan ng mga ipinanganak noong Oktubre–Disyembre 1976 sa London Borough of Hounslow, Middlesex.
Ang nakasaad sa tala ay:
Cezarah Rowena Juan, Hounslow
Cezarah Rowena Juan Muyuela, Hounslow
Ipinanganak siya bilang Cezarah Rowena Juan Muyuela noong Oktubre 1976, anak nina Cesar Muyuela at Sarah “Sally” Juan. Ayon sa tala, ang kanyang kapatid na si Analiza Rowena Juan ay nakarehistro rin sa parehong index, sa mga ipinanganak noong Hulyo–Setyembre 1978.
Dahil isinilang sila sa United Kingdom noong dekada 1970, awtomatikong nakakuha ang magkapatid ng British nationality. Bilang mga anak ng mga Pilipinong magulang, sila ay karapat-dapat din sa Filipino citizenship, kaya’t maaari silang maging dual citizens.
Isiniwalat din na noong 2003, bumalik sa UK si Sarah at doon ipinanganak ang kanyang panganay na si Gerrard William F. Cruz Discaya sa London noong Oktubre 2003. Dahil sa kanyang kapanganakan sa UK mula sa isang inang Briton, si Gerrard ay isang ganap na British citizen, bukod pa sa pagiging Pilipino sa pamamagitan ng kanyang ama. Sa kasalukuyan, siya ang nakalista bilang may-ari ng St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corp., kung saan nakatalaga bilang Procurement & Logistics head ang kanyang tiyahin na si Analiza Rowena Cruz Castillo, ayon sa kanyang LinkedIn profile.
Batay sa mga impormasyong ito, posible ring karapat-dapat ang tatlo pang anak ni Sarah na ipinanganak sa Pilipinas na humawak ng British passports, dahil sa kanilang ina.
Gayunpaman, iginiit ng mga eksperto na kahit may hawak na British passports ang pamilya Discaya, hindi ito awtomatikong makakapagligtas sa kanila mula sa posibleng kaso sa Pilipinas. Mayroon nang UK–Philippines Extradition Treaty na nilagdaan noong 2009 at niratipikahan noong 2014, na nagbibigay-daan sa extradition ng mga indibidwal na nahaharap sa kaso. Dagdag pa rito, may Treaty on the Transfer of Sentenced Persons na pinagtibay noong 2024, na nagpapahintulot sa mga nahatulan na ipagpatuloy ang kanilang sentensiya sa sariling bansa.
Samantala, iniimbestigahan na ang mga ari-arian ng pamilya Discaya. Sinuspinde ang mga lisensya ng siyam na construction firm na konektado sa kanila, habang inaalam ng Bureau of Customs kung nagbayad sila ng tamang buwis sa kanilang koleksyon ng 40 luxury cars na iniulat na ipinasok sa bansa.
Ang mga bagong impormasyong ito hinggil sa citizenship ni Sarah Discaya ay nagdadagdag ng panibagong dimensyon sa malawakang anomalya na unang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 2025.
Credits to Mai Geo World