Bayan ng Sta Cruz nakakaranas ng matinding pagbaha kahit walang anunsiyo ng bagyo
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-14 21:38:44
Sta Cruz, Laguna- Muling naranasan ng Santa Cruz ang matinding pagbaha mula sa national road patungo sa mismong bayan at hanggang sa harapan ng Sun Star Mall. Ang baha ay nagdulot ng seryosong hamon sa motorista, daloy ng trapiko, transportasyon, kaligtasan ng mga residente, at ang pang-araw-araw na pamumuhay sa lugar.
Ayon sa mga ulat at social media post, halos hindi na madaanan ang national road na dumaraan sa Santa Cruz dahil sa pagtaas ng tubig. Ang kalsadang ito ay bahagi ng Calamba–Pagsanjan Road (National Route 66), na kritikal na ang sitwasyon sa mga motorista.
Sa mismong bayan naman, maraming residential areas at komersyal na lugar ang dumadanas ng matinding baha. May mga bahagi na halos di na makapasok ang mga light vehicle, lalo na ang mga tricycle at mga kotse na mababa ang clearance.
Makikita sa video at mga ulat sa social media na aktibong nakilusong sa baha si Mayor Benjo Agarao sa pagmasid sa sitwasyon at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente.
Layunin ng kanyang administrasyon na mapabilis ang mga flood mitigation measures upang hindi gaanong maapektuhan ang mga mamamayan sa susunod na malakas na pag-ulan.
Ang paulit-ulit na pagbaha sa Santa Cruz, Laguna ay isang seryosong hamon na nangangailangan ng agarang tugon, pangmatagalang solusyon, at mahusay na pamumuno.
Kamakailan lang ay naging paksa o isyu sa Senate hearing ang tungkol sa flood control projects , kabilang ang alegasyon ng “anomaly” sa pondo ng flood control sa ika apat na distrito, dawit ang pangalan ng Ama ng kasalukuyang Alkalde ng bayan ng Sta Cruz.
Bagama’t may mga hakbang na ginagawa na ang lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Benjo Agarao, malaki ang pangangailangan para sa mas sistematikong flood control strategy, mas malawak na pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya, at higit na pagbibigay-kaalaman sa mamamayan upang maging handa sa harap ng kalamidad.
Larawan/ facebook