20/kilo bigas para sa tsuper, operator: 57K benepisyaryo sa unang bugso
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-14 17:20:27
SETYEMBRE 14, 2025 — Mahigit 57,000 manggagawa sa pampublikong transportasyon ang unang makikinabang sa programang P20 kada kilo ng bigas na inilunsad ng Department of Agriculture (DA) nitong Setyembre 16, bilang bahagi ng kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pababain ang gastusin sa pagkain.
Saklaw ng unang bugso ang mga tsuper ng bus, jeep, tricycle, pati na mga operator sa limang lungsod: Quezon City (17,633 benepisyaryo), Navotas (1,001), Angeles City (9,961), Cebu City (24,742), at Tagum City (3,650).
Sa mga itinalagang sentro ng pamamahagi, maaaring bumili ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan sa presyong P20 kada kilo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., katuwang ng DA sa pagpapatupad ang Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagtukoy ng mga benepisyaryo.
“This is more than a food program. It’s a promise being fulfilled — a fight against hunger that meets people where they are,” pahayag ni Tiu Laurel.
(Hindi lang ito programa sa pagkain. Isa itong pagtupad sa pangako — isang laban sa gutom na lumalapit sa mamamayan.)
Ang programang tinaguriang “Benteng Bigas, Meron Na!” ay orihinal na nakatuon sa mga senior citizen, solo parent, PWD, at mahihirap na pamilya. Ngunit pinalawak na ito upang isama ang mga manggagawang tumatanggap ng minimum wage, magsasaka, mangingisda, guro sa pampublikong paaralan, non-teaching staff ng DepEd, at mga benepisyaryo ng DSWD Walang Gutom.
Binanggit ni Tiu Laurel ang layunin ng administrasyon na maabot ang 15 milyong kabahayan sa 2026, at ipagpatuloy ang programa hanggang 2028.
“We are fully committed to President Marcos’ directive to extend this program to 15 million households by 2026 — and to keep it going until the end of his term in 2028,” aniya.
(Buong puso naming tinutupad ang direktiba ni Pangulong Marcos na palawigin ang programang ito sa 15 milyong kabahayan pagsapit ng 2026 — at ipagpatuloy ito hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.)
Ang murang bigas ay ipinamamahagi sa mga pasilidad ng DA tulad ng Bureau of Animal Industry sa Quezon City, Philippine Fisheries Development Authority sa Navotas, Food Terminal Inc. sa Angeles, Agribusiness and Marketing Assistance Division sa Cebu, at AMAD office sa Tagum.
Patuloy ang paglawak ng programa, na layong gawing abot-kaya ang bigas para sa mas nakararami.
(Larawan: Department of Agriculture)