Dismissed Bulacan assistant engineer Mendoza, umalis sa House custody
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-14 13:48:29
SETYEMBRE 14, 2025 — Umalis na sa kustodiya ng Kamara si Jaypee Mendoza, dating assistant district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan.
Kinumpirma ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng House Infrastructure Committee, na boluntaryong iniwan ni Mendoza ang protective custody noong Setyembre 12.
“Upon his own request, Mr. Jaypee Mendoza has left the protective custody of the House of Representatives on 12 September 2025,” ani Ridon sa isang Viber message.
(Sa sarili niyang kahilingan, iniwan na ni Ginoong Jaypee Mendoza ang protective custody ng House of Representatives noong 12 Setyembre 2025.)
“He expressed his wish to be with his family at this time,” dagdag pa niya.
(Ipinahayag niya ang kagustuhang makasama ang kanyang pamilya sa panahong ito.)
Si Mendoza ay kabilang sa mga dating opisyal ng DPWH na sinibak sa puwesto kaugnay ng iniimbestigahang flood control projects sa Bulacan na halos P1 bilyon ang halaga. Kasama niya sa kaso sina Brice Ericson Hernandez at Henry Alcantara.
Noong nakaraang pagdinig ng House panel noong Setyembre 9, humiling si Mendoza ng proteksyon matapos niyang ibunyag na nakatanggap siya ng mensaheng nagbabanta mula sa umano’y “hitman.” Ilang minuto bago nito, kinatigan niya ang testimonya ni Hernandez na nagsabing may kinalaman sina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa naturang proyekto, at tumanggap umano ng 30 porsyento mula sa pondo bilang kickback.
Bagamat wala na sa kustodiya ng Kamara, umaasa pa rin ang komite na magpapatuloy ang kooperasyon ni Mendoza sa mga susunod na pagdinig.
“The House Infrastructure Committee, nonetheless, hopes that Mr. Mendoza will continue to appear in future committee hearings to provide further information relevant to the ongoing inquiry,” ani Ridon.
(Umaasa pa rin ang House Infrastructure Committee na dadalo si Ginoong Mendoza sa mga susunod na pagdinig upang magbigay ng karagdagang impormasyon kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon.)
(Larawan: YouTube)