Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Faky Breaky News:’ Lacson, pumalag sa balitang bagong balasahan sa Senado

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-14 16:38:32 ‘Faky Breaky News:’ Lacson, pumalag sa balitang bagong balasahan sa Senado

SETYEMBRE 14, 2025 — Mariing kinontra ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang isang viral na post mula sa “OneTV Philippines” na nagsasabing may bagong balasahan sa liderato ng Senado. Tinawag niya itong “Faky Breaky News” at sinabing layunin nitong guluhin ang publiko.

“Peke. Intended to deceive and confuse. Underestimating the intelligence of the new Senate majority bloc, nagba-baka sakaling may tumalon at magpirma,” ani Lacson. 

(Peke. Sinadyang linlangin at guluhin. Minamaliit ang talino ng bagong mayorya sa Senado, umaasang may lilipat at pipirma.)

Ang nasabing post ay lumabas noong Sabado ng gabi at nagsabing si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ay umano’y nakakuha ng sapat na bilang para palitan ang kasalukuyang Senate President. Ayon sa OneTV, galing ito sa isang “reliable source.”

Ngunit kinuwestiyon ang kredibilidad ng nasabing outlet. Sa Facebook, nakasaad na ito ay “globally-based” sa Davao at Pagadian, ngunit sa YouTube channel nito, wala pa itong 2,000 subscribers at huling nag-update noong Hulyo.

Giit ni Lacson, may tamang proseso sa pagpapalit ng liderato sa Senado. 

“The proper and professional way is to call or approach the Senate president, inform and show him the resolution signed by at least 13 senators, then the sitting Senate President resigns at the opening of the session, not through a media outlet, whether nationally recognized or obscure,” paliwanag niya. 

(Ang tamang paraan ay kausapin ang Senate president, ipakita ang resolusyon na pirmado ng hindi bababa sa 13 senador, saka siya magbibitiw sa pagbubukas ng sesyon — hindi sa media, kilala man o hindi.)

Matatandaang noong Setyembre 8, si Vicente “Tito” Sotto III ang muling nahalal bilang Senate President matapos magbitiw si Francis “Chiz” Escudero. Si Juan Miguel Zubiri ang nag-mosyon sa plenaryo para ideklarang bakante ang posisyon, na sinang-ayunan ni Escudero. Si Sotto ay inendorso nina Zubiri at Loren Legarda.

Samantala, nilinaw ni Senador Sherwin Gatchalian sa isang panayam sa radyo na walang bagong kudeta. 

“Wala namang change in leadership. Kapapalit nga lang ng leadership,” aniya. 

Dagdag niya, nais ng mayorya ng Senado ang katahimikan sa gitna ng mga kontrobersiya sa flood control projects. 

“Para sakin, ang kailangan ng Senado ngayon, stable leadership para maimbistigahan natin ito,” ani Gatchalian. 

(Larawan: Ping Lacson)