Marcos: September 21 rally, igagalang ng Malacañang
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-14 21:53:23
Manila, Philippines — Iginiit ng Malacañang na nirerespeto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang malakihang kilos-protesta sa Setyembre 21 na ikinakasang ng iba’t ibang progresibong grupo upang ipanawagan ang pananagutin ng mga opisyal na sangkot sa katiwalian.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, malinaw na kinikilala ng Pangulo ang karapatan ng mga mamamayan na maghayag ng saloobin. “Nirerespeto ng Pangulo ang freedom of expression kaya kung anuman ang nararamdaman at sentimyento ng ating mga kababayan sa ngayon ay igagalang ito,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Malacañang.
Binanggit pa ng opisyal na laban din ng administrasyon ang korapsiyon kaya’t kaakibat ng mga raliyista ang kampanya ng gobyerno. “Ito ay laban sa korapsiyon na nilalabanan din ng Pangulo kaya pareho lamang ang nararamdaman at sentimyento ng mga ito,” dagdag pa ni Castro.
Gayunman, nanawagan ang Palasyo na huwag gamitin ng mga grupong may masamang intensyon ang pagtitipon upang maghasik ng destabilisasyon. “Ang dasal ng Malacañang ay hindi ito sakyan ng ibang mga tao na hindi maganda ang naisin para sa gobyerno kundi mag-destabilize,” ani Castro.
Nakatakdang idaos ang protesta sa Setyembre 21, na kasabay ng paggunita sa deklarasyon ng martial law noong 1972 sa ilalim ng ama ng Pangulo, si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Layunin ng kilos-protesta na “kalampagin” ang pamahalaan at ipanawagan ang mass arrest ng mga opisyal na sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects, at iba pang kaso ng katiwalian.