Modelo at adult film actor, arestado sa kasong pang-aabuso sa stepdaughter sa Tarlac
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-14 16:29:04
Tarlac – Naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Tarlac ang isang 32-anyos na modelo at aktor ng isang adult film streaming platform dahil sa umano’y paulit-ulit na pang-aabuso sa kaniyang stepdaughter na nagsimula pa noong bata pa ito.
Ayon sa ulat ng pulisya, nahuli ang suspek sa Quezon City noong Setyembre 10, 2025 matapos ang ilang buwang manhunt operation. Matagal umanong nagpalipat-lipat ng hotel ang lalaki upang umiwas sa mga otoridad, ngunit natunton pa rin ito ng mga operatiba. Kabilang siya sa mga most wanted person ng Police Regional Office 3.
“Itong subject ay isang model at aktor ng isang adult film streaming platform. Inakusahan siya ng panggagahasa ng kaniyang sariling stepdaughter. Isa siya sa most wanted person ng Police Regional Office 3,” pahayag ni Police Major Arvin Hosmillo, hepe ng CIDG Tarlac.
Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang pang-aabuso nang siyam na taong gulang pa lamang ang biktima. Ilang taon umanong tiniis ng bata ang pangyayari hanggang sa magdesisyon itong tumakas mula sa kanilang tahanan sa Tarlac.
Una pang iniulat ng suspek sa pulisya na nawawala ang kaniyang stepdaughter, subalit natuklasan kalaunan na ito pala ay kusang lumayas dahil sa pang-aabuso. Sa pagtakbo ng kaso, lumutang ang salaysay ng biktima na nagpatibay sa reklamo laban sa suspek.
Patuloy namang tinitingnan ng mga awtoridad kung mayroon pang iba pang kasong kinakaharap ang akusado. Nakatakda ring ibalik ang warrant of arrest sa korte na may hawak ng kaso upang umusad ang paglilitis.
Sa kabila ng bigat ng akusasyon, tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag at iginiit na ang kaniyang abogado na lamang ang haharap sa media. “No comment sir. Papunta na po ‘yung attorney ko, siya ang mag-e-explain sa inyo,” ayon sa kanya.
Ang kaso ay muling nagbukas ng usapin tungkol sa kaligtasan ng mga bata at kabataan sa loob ng mismong tahanan, na madalas ay hindi lantad ang pang-aabuso dahil sa takot, kahihiyan, o kawalan ng lakas ng loob ng mga biktima na magsumbong. Ayon sa datos mula sa Philippine National Police, dumarami ang naitatala nilang kaso ng child sexual abuse kada taon, at maraming biktima ang nakararanas nito mula mismo sa kanilang kaanak o mga taong dapat ay tagapangalaga nila.
Nananawagan naman ang mga child rights advocates na mas paigtingin pa ang proteksyon para sa mga bata at palakasin ang access sa mga ligtas na lugar kung saan sila maaaring humingi ng saklolo.
Samantala, inihahanda na ng CIDG Tarlac ang karagdagang dokumento at ebidensya para sa korte, habang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek.
Larawan mula sa CIDG Tarlac