Nagmaang-maangan? Tulfo, paiimbestigahan ang mga casino na suki ang ‘BGC Boys’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-14 16:42:33
SETYEMBRE 14, 2025 — Isang imbestigasyon ang isusulong ni Senador Erwin Tulfo laban sa mga casino na umano’y naging tagapagtakip sa mga kahina-hinalang transaksyon ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa anomalya sa mga flood control project.
Ayon kay Tulfo, hindi maaring palampasin ang papel ng mga casino sa umano’y paglustay ng mahigit P950 milyon ng mga tinaguriang “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors. Kabilang sa grupo sina dating District Engineer Henry Alcantara, Assistant Engineers Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Edrick San Diego.
Ginamit umano ng mga opisyal ang mga pekeng pangalan at ID upang makapagsugal sa mga casino, habang nagpapanggap bilang mga pribadong kontratista. Ilan sa mga alyas na ginamit ay “Joseph Villegas” para kay Alcantara, “Marvin De Guzman” para kay Hernandez, at “Peejay Asuncion” para kay Mendoza.
Hindi umano kumilos ang mga casino upang iulat ang malalaking halaga ng perang ipinapasok ng mga opisyal, bagay na ikinabahala ni Tulfo.
“They didn't even raise a single red flag or report this to the AMLC despite these individuals bringing in hundreds of millions in cash to the casino every single week,” ani Tulfo.
(Hindi man lang sila nagtaas ng alarma o nag-ulat sa AMLC kahit linggo-linggo ay daan-daang milyong piso ang dinadala ng mga ito sa casino.)
Giit ng senador, hindi dapat tanggapin ng mga casino ang paliwanag na hindi nila alam na mga opisyal ng gobyerno ang kanilang mga kliyente, lalo’t may umiiral na “Know Your Client” o KYC policy.
“Akala ko ba mahigpit nilang ipinapatupad yung 'know your client' o KYC policy nila?” tanong ni Tulfo.
Plano ng senador na maghain ng resolusyon upang paimbestigahan ang mga casino na posibleng naging kasabwat sa pagtakip sa pagnanakaw ng pondo ng bayan. Aniya, kung naging masinop lamang ang mga casino sa pag-uulat sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), maaga sanang nahinto ang katiwalian.
“Kung ginawa lang ng mga casino ang responsibilidad nila na tulungan ang AMLC magmatyag, e di nahuli agad itong sila Alcantara, Hernandez, at Mendoza at maaaring natuldukan ang kanilang pagnanakaw sa pera ng bayan,” dagdag ni Tulfo.
Inaasahang tatalakayin sa Senado ang resolusyon sa mga susunod na linggo.
(Larawan: Philippine News Agency)