Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Mga tolongges!' Sablay na ransom withdrawal, 11 arestado; negosyante, ligtas

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-12 18:20:17 'Mga tolongges!' Sablay na ransom withdrawal, 11 arestado; negosyante, ligtas

SETYEMBRE 12, 2025 — Isang 78-anyos na Filipino-Chinese na negosyante ang nailigtas ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) matapos ang sablay na tangkang pag-withdraw ng ransom sa isang bangko sa lungsod, na nauwi sa agarang pag-aresto sa 11 na suspek.

Dinukot ang ginang noong Setyembre 2 habang pauwi mula sa trabaho sa kahabaan ng C3 Road, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Galing siya sa pamilyang may negosyo sa paggawa ng mga industrial goods at hiningian ng ransom na P150 milyon.

Agad na ini-report ng kapatid ng biktima sa PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang insidente, dahilan upang masimulan ang operasyon ng mga awtoridad. Sinundan ng pulisya ang mga suspek mula Bacoor, Cavite hanggang sa safehouse sa Laurel, Batangas kung saan ikinulong ang biktima.

Noong Setyembre 11, tatlo sa mga suspek ang naghatid sa biktima sa isang bangko sa Quezon City upang mag-withdraw ng P8.1 milyon mula sa kanyang personal na account. Naalerto na ang bangko sa plano kaya’t agad silang tumawag sa 911 hotline. Sa loob ng dalawang minuto, dumating ang mga operatiba ng PNP-AKG, inaresto ang mga suspek, at nailigtas ang biktima nang walang pinsala.

“What happened was almost cinematic. The kidnappers were so unsophisticated they brought the victim to the bank herself to withdraw money. It was a comedy of errors but the professionalism of our police ensured a safe rescue,” pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla. 

(Parang pelikula ang nangyari. Walang diskarte ang mga kidnapper, isinama pa ang biktima sa bangko para mag-withdraw. Isang sablay na operasyon pero dahil sa propesyonalismo ng ating kapulisan, nailigtas ang biktima.)

Sa follow-up operations mula Setyembre 11 hanggang 12, walong karagdagang suspek ang naaresto, kabilang ang tatlong dating sundalo — dalawa mula sa Philippine Marine Corps na honorably discharged, at isa mula sa Philippine Army na dishonorably discharged.

Nasamsam ng pulisya ang limang armas: isang long rifle, apat na pistol, isang replica gun, at P490,000 na pinaniniwalaang bahagi ng pondo ng grupo.

"It seems like a very amateur job. The mere fact that they even brought the victim to bank shows that the level of their sophistication is very low. Mga tolongges," ani Remulla. 

(Mukhang bagito ang operasyon. Ang katotohanang isinama pa nila ang biktima sa bangko ay patunay ng kakulangan nila sa diskarte. Mga tolongges.)

Patuloy ang imbestigasyon sa posibleng mga financier ng grupo habang inihahanda ang kasong kidnapping-for-ransom laban sa mga suspek.

Sa kabila ng karanasan, nasa maayos na kalagayan ang biktima at kasalukuyang sumasailalim sa psychological counseling.

“This was purely about money, no other motive,” dagdag ni Remulla. “Because of vigilance, cooperation, and the 911 system, we turned a potentially tragic story into a success.” 

(Pera lang ang motibo, walang iba. Dahil sa pagiging alerto, pagtutulungan, at sa tulong ng 911 system, naging matagumpay ang isang posibleng trahedya.)

(Larawan: Philippine News Agency)