Diskurso PH
Translate the website into your language:

Black Friday protest: mga estudyante, aktibista nagmartsa laban sa umano’y korapsyon sa flood control projects

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-12 17:23:04 Black Friday protest: mga estudyante, aktibista nagmartsa laban sa umano’y korapsyon sa flood control projects

SETYEMBRE 12, 2025 — Nagdaos ng sunod-sunod na kilos-protesta ang mga estudyante at aktibistang grupo sa Metro Manila ngayong Biyernes bilang bahagi ng tinaguriang Black Friday protest, na layong kondenahin ang umano’y malawakang katiwalian sa mga proyekto ng flood control ng pamahalaan.

Sa harap ng Senado sa Pasay City, binato ng mga nagpoprotesta ng itlog ang mga tarpaulin na may larawan nina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva. Kapwa senador ay idinawit ng isang dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kontrobersiya, ngunit mariin nilang itinanggi ang mga paratang.

Sa mga campus ng University of the Philippines (UP) sa Diliman at Maynila, sabay-sabay na nag-walkout ang mga estudyante mula sa kani-kanilang klase. Sa UP Manila, nagmartsa ang mga kabataan sa tabi ng ginagawang gusali at nagtipon sa harap ng Oblation statue bilang simbolo ng kanilang pagkakaisa.

Sa Diliman, binuhusan ng putik ang mga larawan nina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Bukod sa panawagang managot ang mga sangkot, iginiit din ng mga estudyante ang dagdag na pondo para sa edukasyong pampubliko.

Naglabas ng opisyal na pahayag ang UP na sumusuporta sa mga protesta. 

Ayon kay UP President Angelo “Jijil” Jimenez, “The University views with gravest concern the revelation of deep-seated and massive corruption plaguing the flood control projects in the country. We cannot stay neutral.” 

(Lubos na ikinababahala ng Unibersidad ang malalim at malawak na korapsyon sa mga proyekto ng flood control sa bansa. Hindi kami maaaring manatiling neutral.)

Samantala, sinabi ng Philippine National Police na handa silang magbigay ng seguridad sa Black Friday protest. Mahigit 2,000 pulis ang nakaantabay sakaling lumawak ang kilos-protesta sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Nagbabala si PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na may nakahandang plano sakaling maganap ang kaguluhan gaya ng sa Nepal at Indonesia.

(Larawan: X)