Isang buwang pension ni Lacson, ipamimigay kung may ‘perfectly executed flood control project’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-12 15:53:22
SETYEMBRE 12, 2025 — Sa gitna ng sunod-sunod na pagbaha at mga alegasyon ng katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), nagbitiw ng matapang na hamon si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson: handa siyang isuko ang kanyang 1 buwang pensyon kung may makikitang maayos na flood control project sa bansa.
“Willing ako isakripisyo yung isang buwan ko na pension para makuntento lang yung aking mata na meron palang perfectly executed flood control project lying somewhere,” pahayag ni Lacson sa Kapihan sa Senado forum.
Ayon sa senador, umaabot sa ₱190,000 ang halaga ng kanyang buwanang pensyon bilang retiradong pulis. Ngunit sa kabila ng bilyon-bilyong pondo na inilaan para sa flood control, duda siya kung may proyekto ngang maituturing na “perpekto.”
Sa kanyang privilege speech kamakailan, binunyag ni Lacson ang umano’y koneksyon ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa mga kontratistang sangkot sa mga proyektong may anomalya. Isa sa mga binanggit ay si Candaba Mayor Rene Maglanque, na sinabing may “family business” umano kay Bonoan at nakakuha ng kontrata para sa mga proyekto sa Pampanga.
“At the very least, he needs to explain his involvement with big contractors … Nakita ko lang paulit-ulit siyang (nagsasabi) na isolated case iyan,” patutsada ng senador. “Alam kong hindi isolated case yan. Isolated case here, there, and everywhere.”
Giit pa niya, “Hintayin kong may isolated case ang tama ang pagkagawa na flood control project. Handa ako mag-offer ng 1 month pension.”
Hindi rin pinalampas ng senador ang tinaguriang “BGC boys” sa DPWH, na umano’y sangkot sa mga maanomalyang kontrata. Aniya, tila “divine intervention” ang dahilan kung bakit nabunyag ang mga ito.
“Ito yung day of reckoning. Akala nila lusot na sila. Ang malas nila, mukhang nakialam na sa ‘taas,’” ani Lacson.
Binanggit din niya ang sunod-sunod na bagyong dumaan sa bansa — Crising, Dante, Emong — na sinundan pa ng habagat. Para sa kanya, ito’y tila senyales na panahon na para ilantad ang katiwalian.
“Nag-bagyo ng sunod-sunod. Mukhang galit na si God. Parang may divine intervention para mabulgar lahat,” dagdag niya.
Sa huli, binigyang-diin ni Lacson ang epekto ng korapsyon sa mamamayan. Aniya, ang buwis na binabayaran ng publiko ay nauuwi sa luho ng iilan.
“Otherwise, tuloy-tuloy sila sa casino. Yung perang binabayad natin sa tax, ginagamit sa casino, pinambibili ng mga Patek Philippe, kung ano-anong mga relo, at kung ano-anong mga kotse,” aniya.
Dagdag pa niya, “You can just imagine kung magpatuloy ito, para tayong mga gago.”
Sa gitna ng mga pagbaha at kontrobersya, nananatiling bukas ang hamon ni Lacson — isang buwang pensyon kapalit ng isang proyektong maayos. Ang malaking tanong, may makakapagpakita nga ba ng proyekto na karapat-dapat sa halagang iyon?
(Larawan: Ping Lacson)