Diskurso PH
Translate the website into your language:

Libu-libong empleyado ng casino, nanganganib mawalan ng trabaho sa restructuring ng Pagcor

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-12 11:55:59 Libu-libong empleyado ng casino, nanganganib mawalan ng trabaho sa restructuring ng Pagcor

SETYEMBRE 12, 2025 — Tinatayang nasa 8,000 hanggang 10,000 manggagawa ng Casino Filipino ang posibleng mawalan ng trabaho sa planong pagbabago ng tungkulin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), ayon sa Pagcor Employees Association (PAGCEA).

Sa ilalim ng tinatawag na “decoupling,” aalisin ang papel ng Pagcor bilang operator ng casino at mananatili lamang ito bilang tagapangasiwa at tagapagbigay ng lisensya. Ibig sabihin, tuluyang bibitawan ng ahensya ang operasyon ng Casino Filipino.

Ayon kay Pagcor Chairman and CEO Alejandro Tengco, “Pagcor’s dual role has served its purpose in the past but as the industry matured, it became clear that — in layman’s terms — a referee cannot also be a player on the same field.” 

(Nagampanan na ng Pagcor ang dalawahang papel nito noon, pero habang lumago ang industriya, naging malinaw na, sa simpleng paliwanag, hindi puwedeng sabay na tagahatol at manlalaro sa iisang laro.)

Ngunit mariing tinutulan ng PAGCEA at ng kanilang legal counsel na si Atty. Remus Reyes ang hakbang na ito. Giit ni Reyes, hindi ito saklaw ng kapangyarihan ng Governance Commission for GOCCs (GCG) o ng Pangulo, at kinakailangan ng batas mula sa Kongreso.

“Allowing the GCG/President to decouple Pagcor is an unconstitutional encroachment upon legislative power,” aniya.

(Ang pagbibigay ng kapangyarihan sa GCG o Pangulo para baguhin ang papel ng Pagcor ay labag sa Konstitusyon at panghihimasok sa kapangyarihang lehislatibo.)

Bukod sa legalidad, binigyang-diin ni Reyes ang kawalan ng malinaw na plano para sa libu-libong empleyado na maaapektuhan. Aniya, tila sinasadya ng Pagcor na pahinain ang operasyon ng mga pisikal na casino upang bigyang-katwiran ang pagsasara ng mga ito.

“Dati, may naiipon kang points [sa mga Pagcor casinos], na puwede mong gamitin sa pagkain, or sa rooms. Ngayon, kahit tubig, hindi na nagbibigay,” paliwanag niya. “So in other words, iniinis nila ‘yung customer.” 

Sa gitna ng pag-usbong ng online gambling, lumalakas ang hinalang ito ang tinututukan ng Pagcor. Sa unang kalahati ng 2025, 53% ng kita ng ahensya ay mula sa online platforms, habang 3% lamang ang galing sa sariling casino.

Ngunit ayon kay Reyes, hindi sapat ang kasalukuyang regulasyon sa online gambling. 

“It’s not enough to just put advertisements that gambling is addictive … That’s not regulation …. How do you regulate something that you cannot even hold? It’s 24-7. Kaya siya against the law because bawal po sa isang casino na maging 24-7 accessible to everyone. Nasa batas po ‘yun,” giit niya.

Ang nananatiling tanong ng mga empleyado at publiko: Napag-aralan ba nang sapat ang hakbang na ito? At may plano ba para sa libu-libong mawawalan ng kabuhayan?

Sa ngayon, tanging separation pay ang tiyak na ibibigay sa mga mawawalan ng trabaho. May binanggit ding “transition support” tulad ng job matching at skills training, ngunit hindi pa ito detalyado. Wala ring malinaw na timeline kung kailan ito sisimulan at kung sino ang kwalipikado.

Bukod sa mga empleyado, apektado rin ang mga lokal na negosyo na umaasa sa operasyon ng kumpanya — mula sa mga shops hanggang sa transportasyon. Sa ilang lugar, ito ang pangunahing pinagkukunan ng trabaho, kaya’t ang pagsasara ay tila dagok sa buong komunidad.

(Larawan: PAGCOR)