Marcos, bumuo ng komisyong mag-iimbestiga sa mga proyekto sa flood control
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-12 14:52:55
SETYEMBRE 12, 2025 — Isang bagong komisyon ang itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang busisiin ang mga iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno, partikular sa flood control. Sa bisa ng Executive Order No. 94 na nilagdaan noong Setyembre 11, binuo ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may kapangyarihang magsagawa ng malawakang imbestigasyon sa mga proyekto sa nakalipas na sampung taon.
Ayon sa EO, pangunahing tungkulin ng ICI ang pagtukoy sa mga anomalya sa pagpaplano, pagpopondo, at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura, lalo na sa flood control. Maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang komisyon batay sa reklamo o sariling inisyatiba.
Kapag nakalap na ang ebidensya, maaaring irekomenda ng ICI ang pagsasampa ng mga kasong kriminal, sibil, o administratibo laban sa mga sangkot. Ang mga rekomendasyon ay ipapasa sa mga ahensyang may kapangyarihang magparusa gaya ng Office of the Ombudsman, Department of Justice, Civil Service Commission, at mismong Office of the President.
Ang ICI ay bubuuin ng isang chairperson at dalawang miyembro na may napatunayang integridad at kakayahan. Magkakaroon din ito ng Secretariat na pamumunuan ng isang Executive Director na may ranggong katumbas ng Undersecretary. Siya ang mangangasiwa sa araw-araw na operasyon ng komisyon.
Ang mga tauhan ng ICI ay kailangang may sapat na kaalaman at karanasan upang maisakatuparan ang mandato ng komisyon.
Ayon sa EO, “It is imperative to constitute an independent body that will investigate and undertake appropriate measures against those involved in irregularities in government infrastructure projects.”
(Mahalagang bumuo ng isang independiyenteng katawan na magsisiyasat at magsasagawa ng nararapat na hakbang laban sa mga sangkot sa iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.)
May kapangyarihan ang ICI na magsagawa ng pagdinig, kumuha ng testimonya, at mangalap ng dokumento at ulat. Maaari itong mag-isyu ng subpoena ad testificandum at subpoena duces tecum upang pilitin ang pagdalo ng mga saksi at paglabas ng mga dokumentong kinakailangan sa imbestigasyon.
Ang sinumang opisyal ng gobyerno na tatangging tumugon sa subpoena nang walang sapat na dahilan ay maaaring patawan ng administratibong parusa, bukod pa sa posibleng kasong kriminal. Ang parehong patakaran ay ipatutupad sa mga pribadong indibidwal.
Maaaring irekomenda ng ICI sa DOJ ang pagpasok ng isang indibidwal bilang state witness kung kinakailangan upang maisulong ang hustisya, basta’t kwalipikado ito ayon sa Rules of Court.
May karapatan din ang komisyon na humiling ng impormasyon mula sa Senado, Kamara, Sandiganbayan, at iba pang korte kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa kanilang imbestigasyon. Maaari rin nitong kunin ang mga kontrata, bank records, at iba pang dokumento mula sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Bukod dito, maaaring irekomenda ng ICI ang pag-isyu ng hold departure order upang pigilan ang pag-alis ng bansa ng mga iniimbestigahan. Maaari rin nitong hilingin ang pag-freeze ng mga ari-arian, pondo, at deposito na pinaniniwalaang may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Pinapayagan ang komisyon na kumuha ng serbisyo ng mga eksperto, propesyonal, at resource persons upang mapahusay ang imbestigasyon. Maaari rin itong magtalaga ng mga Special Adviser mula sa hanay ng mga indibidwal na may reputasyon sa transparency at good governance.
Lahat ng ahensya sa ilalim ng Executive Branch, kabilang ang NBI, National Prosecution Service, DPWH, DILG, PNP, at mga GOCC, ay inatasang magbigay ng buong suporta sa ICI.
Obligado ang komisyon na magsumite ng buwanang ulat sa Office of the Executive Secretary. Inaasahan din nitong ilathala ang mga tagumpay at mahahalagang ulat para sa kaalaman ng publiko.
Ang ICI ay pansamantala lamang at mawawalan ng bisa kapag natapos na ang layunin ng pagkakatatag nito, maliban kung mas maagang ipawalang-bisa ng Pangulo.
Sa pahayag ng Pangulo, tiniyak niyang walang politiko ang magiging bahagi ng komisyon.
“This body will be truly independent,” aniya.
(Ang komisyong ito ay tunay na magiging independiyente.)
Sa gitna ng mga kontrobersiya sa mga proyekto sa flood control, inaasahang magiging sentro ng pananagutan ang bagong komisyong ito.
(Larawan: Presidential Communications Office)