Diskurso PH
Translate the website into your language:

PNP, mahigpit na ipatutupad ang “No Permit, No Rally” — Nartatez

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-12 21:51:27 PNP, mahigpit na ipatutupad ang “No Permit, No Rally” — Nartatez

Seryembre 12, 2025 – Mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang patakaran na “No Permit, No Rally,” ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa gitna ng inaasahang malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21 at sunod-sunod na pagkilos laban sa mga isyung may kaugnayan sa korupsiyon.


Sa pahayag ng PNP, nilinaw ni Nartatez na hindi papayagan ang anumang pagtitipon kung wala itong kaukulang permit mula sa lokal na pamahalaan, alinsunod sa Public Assembly Act of 1985. Aniya, hindi intensyon ng pulisya na supilin ang kalayaan sa pamamahayag at mapayapang pagtitipon, ngunit kailangang tiyakin na isinasagawa ito nang naaayon sa batas upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lahat.


“Respeto namin ang karapatan ng mamamayan na magpahayag at magtipon, pero may proseso tayong sinusunod. Kung walang permit, wala ring pahintulot na magsagawa ng rally,” pahayag ni Nartatez.


Ayon pa sa PNP, handa ang mga kapulisan na maglatag ng seguridad lalo na’t inaasahan ang malalaking pagtitipon sa Metro Manila at iba’t ibang panig ng bansa sa Setyembre 21, na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law. Ilan sa mga grupong makikilahok ay mula sa hanay ng mga estudyante, manggagawa, simbahan, at mga progresibong organisasyon na magtataas ng panawagan para sa karapatang pantao at hustisya.


Bukod dito, nakaamba rin ang magkakahiwalay na protesta laban sa mga umano’y anomalya at kaso ng korupsiyon sa gobyerno, na nagdagdag pa sa pangamba ng PNP sa posibleng kaguluhan kung walang maayos na koordinasyon sa mga lokal na awtoridad.


Nagbabala si Nartatez na mahaharap sa dispersal operations at posibleng kaso ang mga grupong susuway sa patakaran. Pinayuhan din niya ang mga lider ng mga samahan na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan upang makakuha ng kaukulang permit bago magdaos ng kilos-protesta.


Sa kabila nito, iginiit ng ilang organisador ng protesta na hindi hadlang ang kawalan ng permit upang magpahayag ng kanilang saloobin, at nanindigan na tungkulin ng gobyerno na igalang ang kalayaan sa pamamahayag at pagtitipon.


Habang papalapit ang Setyembre 21, inaasahang magiging mas mahigpit ang pagbabantay ng mga kapulisan lalo na sa mga lugar na sentro ng kilos-protesta tulad ng Mendiola, Liwasang Bonifacio, at mga pangunahing lansangan sa Maynila.