Pondo para sa CHEd kakapusin, libo-libong estudyante nanganganib mawalan ng ayuda
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-12 20:37:28
Setyembre 12, 2025 – Mahigit 100,000 mag-aaral sa kolehiyo ang posibleng mawalan ng ayuda mula sa pamahalaan dahil nahihirapan ang Mababang Kapulungan na maglaan ng dagdag pondo para sa Commission on Higher Education (CHEd).
Sa isang walong oras na budget hearing ng House Committee on Appropriations nitong Setyembre 11, iginiit ni CHEd Chairperson Shirley Agrupis na kailangang madagdagan ang pondo ng ahensya upang hindi tuluyang mawalan ng suporta ang mga estudyanteng umaasa sa Tertiary Education Subsidy (TES) at iba pang programa sa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
Mula sa P60,000 bawat estudyante noong 2018, bumaba na lamang sa P20,000 ang subsidy dahil sa pagpondo ng ahensya sa Tulong Dunong Program (TDP), na iniendoso ng ilang kongresista. Ayon kay Agrupis, hindi nakabatay sa guidelines ng TES ang pagpili ng benepisyaryo ng TDP, kaya’t may pagkakataong nakatatanggap ng ayuda kahit mula sa middle class at mayayamang pamilya.
Para sa 2026, humihiling ang CHEd ng P27.4 bilyon upang mapanatili ang subsidyong ng halos 714,000 estudyante sa TES at 339,000 sa TDP. Dagdag pa rito, P8.6 bilyon ang kanilang hinihiling para sa mahigit 135,000 benepisyaryo ng TDP na hindi sakop ng kasalukuyang pondo.
Bukod dito, binigyang-diin ng ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang utang ng CHEd na umabot sa P6 bilyon mula 2022 hanggang 2024, kabilang na ang sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Binalaan niya na posibleng magsara ang ilang campus ng PUP na umaasa lamang sa sariling kita kung hindi madadagdagan ang pondo.
Gayunman, ayon kay House Appropriations Committee Chairperson Rep. Mikaela Suansing, limitado ang fiscal space kaya’t kailangang tukuyin kung alin ang dapat unahin: ang pagbabayad sa utang o ang pagpapanatili ng subsidies ng mga estudyante.
Pinunto rin ni Tinio na dapat ilaan ang pondo sa edukasyon, kalusugan at pabahay kaysa sa mga proyektong gaya ng flood control na iniulat na pinagmumulan ng korapsyon.