Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rappler humingi ng sorry kay Robin Padilla

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-12 14:02:28 Rappler humingi ng sorry kay Robin Padilla

MANILA — Matapos ang kontrobersiyal na ulat kaugnay ng umano’y “dirty finger” gesture ni Senator Robin Padilla sa Senado, naglabas ng opisyal na paghingi ng paumanhin ang online news outlet na Rappler, kasunod ng pag-amin sa pagkakamali sa kanilang internal processes.

“We would like to assure our Muslim brothers and sisters that there was no intention to put any sector or faith group in a bad light, and that we are strengthening our internal processes to avoid mistakes like this in the future,” pahayag ng Rappler.

Ang paghingi ng paumanhin ay kasunod ng pagkalat ng larawan ni Padilla na tila nagpapakita ng bastos na senyas habang inaawit ang Lupang Hinirang sa plenaryo ng Senado noong Setyembre 8. 

Ngunit agad itong pinabulaanan ng senador sa isang Facebook livestream, kung saan ipinakita niya ang ibang anggulo ng larawan na malinaw na hintuturo (index finger) ang kanyang iniangat—isang simbolo ng pananampalatayang Islam.

“Gusto ko pong iparating sa inyong lahat, ito po ay banal sa aming mga Muslim,” ani Padilla. “Magpapakamatay na lang po ako kung gagawin ko ‘yun.”

Ipinaliwanag ng senador na ang pagtaas ng hintuturo ay bahagi ng kalimah La ilaha ilallah, isang deklarasyon ng pananampalataya sa iisang Diyos sa Islam. Aniya, ang pag-uugnay ng kanyang kilos sa isang bastos na senyas ay hindi lamang maling interpretasyon kundi isang uri ng paglapastangan sa kanyang relihiyon.

Naglabas din ng suporta ang kanyang asawa, si Mariel Padilla, sa pamamagitan ng social media, kung saan ipinakita niya ang malinaw na larawan ng senador na may nakataas na hintuturo. “My husband is a devout Muslim and a proud Filipino… His faith and patriotism are not in conflict,” ani Mariel sa kanyang post.

Sa kabila ng paunang ulat, kinilala ng Rappler ang pagkakamali at naglabas ng retraction. Ayon sa kanilang pahayag, may “lapse within internal communications” na naging sanhi ng maling interpretasyon ng larawan.

Ang insidente ay nagsilbing paalala sa media at publiko na maging mas maingat sa pag-uulat, lalo na kung may kinalaman sa relihiyon at personal na paniniwala. Sa huli, nanindigan si Padilla na ang kanyang kilos ay isang pagpapahayag ng pananampalataya, hindi pambabastos.