Retiradong AFP at PNP opisyal, nanawagan ng agarang pagbibitiw kay Romualdez bilang House Speaker
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-12 20:50:35
Manila — Isang bukas na liham ang inilabas ng grupo ng mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), kasabay ng ilang miyembro ng UP Vanguard at iba pang nag-aalalang mamamayan, na mariing nananawagan sa agarang pagbibitiw ni House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Sa post sa Facebook ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, inilabas ang liham kung saan inakusahan si Romualdez ng umano’y kakulangan sa malasakit sa lumolobong pambansang utang, na umabot na sa ₱15.589 trilyon hanggang Agosto 2024. Ayon sa grupo, pinilit umano nitong isulong ang ₱6.352 trilyong pambansang badyet para sa 2025, kahit na inaasahang ₱4.64 trilyon lamang ang kikitain ng gobyerno, na nagbubunga ng ₱1.712 trilyong depisit.
Binanggit din sa liham ang umano’y paglulustay ng ₱26.7 bilyon mula sa pondo ng DSWD-AKAP para sa tinaguriang huwad na people’s initiative na naglalayong baguhin ang Konstitusyon. Ayon sa kanila, nabigo rin si Romualdez na supilin ang malawakang korapsyon sa gobyerno, na tinatayang kumakain ng halos 20% ng pambansang badyet kada taon. “Kung wala ang katiwalian, mas mataas pa sana ang budget para sa 2025 kaysa noong 2024,” anila.
Bukod sa mga isyu sa badyet at korapsyon, binusisi rin ng liham ang umano’y multi-milyong donasyon ni Romualdez sa Harvard University, pati na rin ang kaniyang pagbili ng mga ari-arian at 20% na bahagi sa EEI na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.25 bilyon.
“Batay sa mga ito, panahon na para bumaba ka sa puwesto. Ngayon na,” mariing pahayag ng mga lumagda sa liham.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula kay Speaker Romualdez hinggil sa nasabing panawagan.