Singil sa tubig hati: Maynilad tataas, Manila Water bababa
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-12 14:02:31
MANILA — Inanunsyo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office na magkakaroon ng pagbabago sa singil sa tubig simula Oktubre 1, 2025, kung saan Maynilad Water Services Inc. ay magpapatupad ng bahagyang pagtaas ng singil, habang Manila Water Company Inc. naman ay magbababa ng kanilang rate.
Ayon sa MWSS, ang pagbabago ay bahagi ng Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) para sa ikaapat na quarter ng taon. Layunin ng FCDA na iakma ang singil sa tubig batay sa galaw ng piso laban sa mga banyagang salapi, na ginagamit sa pagbabayad ng mga utang na ginamit sa mga proyekto sa tubig at sewerage.
Para sa Maynilad customers, magkakaroon ng pagtaas na ₱0.14 kada cubic meter, matapos itakda ang FCDA sa -₱0.19/cu.m, mula sa dating -₱0.33/cu.m.
Samantala, bababa ng ₱0.15 kada cubic meter ang singil para sa mga customer ng Manila Water, kasunod ng pag-adjust ng FCDA mula ₱0.53/cu.m patungong ₱0.38/cu.m.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty, “We remain committed to protecting consumer welfare, especially the most vulnerable, and to ensuring that water and wastewater services remain available, accessible, affordable, and equitable for all”.
Bilang tugon sa epekto ng FCDA sa mga low-income households, muling hinikayat ng MWSS ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na mag-apply sa Enhanced Lifeline Program (ELP) ng Maynilad at Manila Water. Sa ilalim ng programang ito, ang mga kumokonsumo ng hanggang 20 cubic meters kada buwan ay exempted sa FCDA charges at makakakuha ng diskwento sa singil sa tubig.
Ang bagong rate adjustment ay inaasahang magkakaroon ng minimal na epekto sa buwanang bayarin ng mga karaniwang konsumer, ngunit mahalaga pa rin ito sa mas malawak na konteksto ng pamamahala sa mga banyagang utang at pagpapanatili ng serbisyo sa tubig.