Teves, pinayagang magpiyansa — pero hindi pa makakalaya
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-12 16:39:00
SETYEMBRE 12, 2025 — Pinayagan ng Manila Regional Trial Court si dating Negros Oriental Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na magpiyansa ng ₱120,000 kaugnay sa kasong pagpatay kay Lester Bato noong 2019. Gayunpaman, mananatili pa rin siyang nakakulong dahil sa iba pang mabibigat na kaso, kabilang ang pagpatay kay Gobernador Roel Degamo.
Sa kautusan ni Judge Renato Z. Enciso ng Branch 12, kinatigan ng korte ang mosyon ni Teves na magpiyansa matapos matukoy na walang “qualifying circumstances” sa pagkamatay ni Bato, na bodyguard ni Basay mayoralty candidate Cliff Cordova. Nangyari ang insidente noong Mayo 26, 2019.
Ayon sa abogado ni Teves na si Ferdinand Topacio, hindi pa makakalaya ang dating kongresista dahil may dalawa pa itong nakabinbing bail petition sa ibang kaso.
Dagdag pa niya, “However, this is a manifestation that the cases against Mr. Teves are weak since they are just politically motivated.”
(Gayunpaman, patunay ito na mahina ang mga kaso laban kay G. Teves dahil pulitikal lamang ang motibo.)
Bukod sa kaso ni Bato, nahaharap si Teves sa mga kasong murder kaugnay sa pagkamatay ng dalawang indibidwal sa Negros Oriental noong 2019. Pinakamatindi sa mga kaso niya ang pagpatay kay Gobernador Roel Degamo at sampu pang katao sa loob ng compound ng gobernador sa Pamplona noong Marso 4, 2023.
Hindi rin nagbigay ng plea si Teves sa kanyang mga kaso, kaya’t awtomatikong nagpasok ng “not guilty” plea ang mga korte sa Maynila.
Matatandaang inaresto si Teves sa Timor-Leste matapos halos dalawang taon ng pananatili roon bilang asylum seeker. Ibinalik siya sa Pilipinas noong Mayo 29 at kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Building 14 ng Maximum Security Compound sa New Bilibid Prison.
Samantala, idineklara na rin ng Anti-Terrorism Council si Teves bilang terorista, kasama ang ilan pang indibidwal, dahil sa umano’y serye ng pamamaslang at pananakot sa Negros Oriental.
Bagama’t may pahintulot na siyang magpiyansa sa isang kaso, nananatiling nakabinbin ang kanyang kalayaan habang hinihintay ang desisyon sa iba pang kasong may mas mabibigat na paratang.
(Larawan: Philippine News Agency)